ni Niño Aclan
SINIBAK sa puwesto ang chief of police (COP) ng Manila Police District – Malate Police Station (MPD-PS9) at isinailalim sa masusing imbestigasyon ang buong yunit ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kasunod ng pag-aresto sa anim na pulis na sinabing sangkot sa insidente ng robbery/hold-up sa Makati City.
Bago ang insidente, ang MPD-PS9 ay pinamumunuan ni PLtCol. Alfonso Saligumba III habang si PMaj. Reynante Martelino ang sinabing Chief of Operations.
Sinimulan kahapon, 29 Enero, ang imbestigasyon sa ilalim ng Criminal Investigation and Detection Group–Investigation Management Division (CIDG-IMD) sa superbisyon ni MPD District Director PBGen. Arnold E. Abad.
Nag-ugat itomatapos masakote sa hot pursuit operation ang anim na pulis-Maynila ng mga tauhan ng Makati City Police Station sa reklamong panghoholdap sa tatlo katao, sa Makati City, nitong Miyerkoles, 28 Enero.
Sa ulat ng Makati CPS, ang mga suspek na pawang nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit ng MPD-Malate Station (PS9) ay isang may ranggong staff sergeant at 5 patrolman, pawang dinakip sa reklamong robbery/holdup na inihain ng isang alyas Raul, alyas Rose, at isang alyas Manuel.
Kinilala ang mga suspek na sina PSSg. Mark Louie Saipan, Pat. Marcial Onayan Mariñas, Pat. Edernor Valencia, Pat. Mark Allen Viaña, Pat, Aeron Paul Joves, at Pat. John Vasti Virtudes.
Sa ulat, naganap ang pag-aresto 7:48 ng gabi nitong 28 Enero 2026 sa Arsonvel St., Barangay San Isidro, Makati.
Sa reklamo, nabatid na ang mga biktima ay inimbita ng nakilalang dalawang babae sa Malate, Maynila para kunin ang kanilang gamit sa Makati City.
Sa Makati, hinarang umano sila ng grupo ng kalalakihan, tinutukan ng baril, pinadapa, at iginapos ang mga kamay bago tinangay ang kanilang mga gamit, saka nagsitakas sakay ng mga motorsiklo.
Ang mga suspek ay dinisarmahan at ikinulong sa Makati detention facility.
Dahil sa insidente, iniutos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Police Major General Anthony Aberin na sibakin sa puwesto ang hepe at lahat ng mga tauhan ng SDEU sa MPD-Station 9, upang magbigyang-daan ang patuloy na imbestigasyon.
Mas malalim na imbestigasyon ang isinasagawa kaugnay sa insidente upang matukoy ang iba pang posibleng anggulo ng pangyayari.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com