Nakhon Ratchasima – PINAG-INIT ng Men’s 3×3 squad ang kampanya ng delegasyon ng Pilipinas dito Lunes ng umaga matapos itala ang maigting na magkahiwalay na panalo upang agad pamunuan ang Wheelchair basketball event ng 13th ASEAN Para Games na ginaganap sa Thailand.
Sinimulan ng Pilipinas Warriors Men 3×3 team ang kanilang kampanya sa magkaibang paraan matapos na unang talunin ang Indonesia, 20-3, upang siguruhin ang silya sa semifinals at itakda ang tono para sa kampanya ng Para Team Philippines.
Nagsanib puwersa ang kapitan ng koponan na si Kenneth Tapia at beteranong sina Alfie Cabañog, Jannil Cañete at Fel Lander Dawal sa pagtulak sa Pilipinas Warriors sa malakas na simula sa pamamagitan ng nakakakumbinsing 20-3 na tagumpay laban sa Indonesia.
Pinamunuan ni Tapia ang nangungunang scorer na may siyam na puntos sa panalo laban sa Indonesia.
Sinabi ng head coach na si Vernon Perea na ang dominanteng panalo ng mga Pilipino laban sa Indonesians ang nagtakda ng tono para sa sumunod nitong laban kontra Malaysia.
“In the first match, we had Alfie and Kenneth running the game very smoothly so iniwan lang natin. We got the chance to finish it early kasi we’re expecting a close match against Malaysia,” sabi ni Perea. “Luckily, we came out as the winners.”
Nanganib na madungisan ang Pilipinas Warriors kontra sa Malaysia sa dikit na labanan na huling humigpit sa 8-7 bago ang iskor ni Tapia at dalawang sunod ni Cabañog, na nagtala ng kabuuang pitong puntos kontra sa Malaysians tungo sa 11-7 panalo sa pangalawang laban.
Sunod na makakasagupa ng Pilipinas ang hosts Thailand upang malaman ang mangunguna sa kategorya.
Malamya naman ang naging simula ng PH Lady Warriors ang kanilang kampanya sa wheelchair basketball women’s 3×3 sa pamamagitan ng pagkatalo laban sa host Thailand, 2-14, noong Lunes sa Terminal 21 Korat.
Hangad ng mga Pinay na makabawi sa kanilang laban sa Laos, alas-1:00 ng hapon (oras sa Pilipinas), kung saan kakailanganin nila ng dalawang panalo upang masiguro ang isang puwesto sa finals.
“Ang kailangan, talunin namin ng by four points ang Laos kung matalo sila ng Thailand,” sabi ni Lady Pilipinas National team coach Harry Solanoy. (PSC-ICE/HNT)
Photo caption:
ANG Pilipinas Warriors Men 3×3 team sa aksiyon ng Wheelchair basketball event ng 13th ASEAN Para Games na ginaganap sa Thailand. (PSC Photo)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com