SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
PURING-PURI ni direk Kip Oebando si Will Ashley dahil sa galing nitong umarte at nagampanan ng husay ang karakter ni Arvin sa Bar Boys 2: After School.
isang working student si Arvin na nahihirapang balansehin ang trabaho at ang pag-aaral ng law school. May pinagdaanang hirap ang binata dahil sa kawalan ng pera, ngunit nananatili siyang determinado na makamit ang mas magandang kinabukasan para sa pamilya.
Kuwento ni direk Kip, two weeks before pumasok sa Bahay ni Kuya si Ashley, nag-audition ito para sa naturang karakter at doon pa lang nakitaan na ng husay ang aktor.
Sobra ang katuwaan ni Will nang nakapasa sa audition dagdag pa ang katiyakang hihintayin ang paglabas niya sa PBB Collab para magampanan ang naturang role.
“Pangarap ko lang po dati na mapasama sa MMFF. Sino ba naman pong mag aakala na dalawa pa [entries}?” anito nang makahuntahan namin pagkatapos ng Bar Boys 2 mediacon noong Miyerkoles. “Sobrang blessed po talaga. sobrang grateful lang sa mga nangyayari.”
Sobrang suwerte talaga si Will dahil bukod sa Bar Boys 2 kasama rin siya sa Love You So Bad na parehong entries sa 2025 Metro Manila Film Festival.
Bagamat puring-puri si Will ng kanilang direktor iginiit naman nitong collective effort ang nangyari kaya napaganda ang kanilang pelikula. “Happy naman po marinig ‘yun but team work po talaga ‘yung ginawa namin. Lahat po kami nag-compromise sa pelikulang ito. Lahat po kami ibinigay ‘yung puso namin para magawa po itong pelikula na maganda.”
Personal para kay Will ang karakter na ginagampanan sa pelikula. Aniya, “Noong nabasa ko po ‘yung script, nagkaroon po siya ng impact sa puso ko lalo na po ‘yung character ni Arvin.
“Para siya sa mga tao. Kumbaga, ang daming makare-elate rito. Ginagawa niya ito para sa mom niya, sa magulang niya. Malapit din po siya sa pagkatao ko.”
Aminado si Will na nahirapan at malaking challenge ang pagbabalik-acting simula nang lumabas siya sa Pinoy Big Brother: Collab.
“Siguro naging mahirap lang po para sa akin ‘yung maibalik ako sa pag-arte kasi ang tagal ko nga pong nawala.
“Medyo nawala po ‘yung utak ko kasi sobrang overwhelming. Pero tinulungan nila akong ma-ground, na maibalik kung sino ako,” paliwanag ni Will at sinabing pagkaraan ng ilang araw ay naging madali na ang pag-arte.
“Okay naman po nakuha na,” dagdag nito.
Napatulala naman siya sa galing ni Ms Odette Khan.
Aniya, “Pinapanood ko lang po siya. Sabi ko kay direk, gusto ko pagtanda ko, ‘yun ako. Sobrang goosebumps po talaga ako.
“Gusto ko po mag-iwan ng legacy dito sa industry na ito. Si Miss Odette po ‘yung isa sa magandang halimbawa.”
Ang Bar Boys 2 ay mapapanood simula December 25, 2025.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com