WALANG BUHAY nang matagpuan ang isang lalaki sa loob ng isang kotse sa Brgy. Efigenio Lizares, lungsod ng Talisay, lalawigan ng Negros Occidental, nitong Martes, 2 Disyembre.
Ayon kay P/Maj. Rhazl Jim Jocson, deputy chief ng Talisay CPS, tinatayang nasa edad 25 hanggang 30 anyos ang biktimang hubad baro at nakasuot ng pulang short pants.
Ani Jocson, nakita ng may-ari ng kotse ang naaagnas nang bangkay sa loob ng kotse nang siyasatin ito matapos dumating ang biniling baterya.
Natagpuan ang biktima sa driver’s seat ngunit hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang pinsala ng kaniyang katawan dahil naaagnas na ito.
Dagdag ni Jocson, hindi pa nila masabing may foul play ngunit sinisiyasat nila ang lahat ng posibleng anggulo.
Ayon din sa may-ari ng kotse, matagal nang hindi niya nabubuksan ang kotse dahil sa pinsalang inabot nito mula sa nakaraang bagyo.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung paano napunta ang biktima sa loob ng kotse.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com