ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
BINATILYO na ngayon ang dating child actor na si Kenken Nuyad. Matatandaang ilang taon din siyang napanood noon sa top rating TV series ni Coco Martin na “Ang Probinsyano”.
Siya ay 17 years old na ngayon at si Kenken ay isa sa casts ng pelikulang “Ang Happy Homes ni Diane Hilario” na tinatampukan ni Angeline Quinto.
Ang singer/actress din ang producer ng pelikulang ito.
Ito ang reaksiyon ng talented na bagets sa pagkakasali sa nasabing pelikula, na pinamahalaan ni Direk Marlon Rivera.
Pahayag ni Kenken, “Siyempre naman po, super saya ko, sobra! First time ko po silang nakasama kaya thankful po ako kay ate Angeline at sa lahat po ng nasa movie, pati sa aming direktor.”
Dagdag na wika niya, “Kaya po ganoon ang title ng movie namin ay dahil nakatira kami sa isang tenement na ang tawag ay Happy Homes. Nagpapakita po ito sa isang maayos na community po, nang biglang maganap ang sunod-sunod na patayan.”
Tampok din sa pelikula sina Eugene Domingo, Luis Alandy, Paolo Contis, Richard Yap, at iba pa.
Esplika pa ni Kenken, “Ang role ko po sa movie ay si Bochok, bale inampon po kami ng ate ko – si ate Hershey Neri ni ate Karen (Ate Uge) sa Happy Homes ni ate Diane (Angeline) at ako rin po ang parang buddy-buddy dito ni kuya Tisoy (kuya Paolo).”
Ang pelikula ay isang drama-thriller, ito’y hinggil sa mga tenant at kapitbahay sa isang tenement building, na may mga misteryosong patayan na nangyayari.
Ipinahayag din ni Kenken ang pasasalamat kay Angeline at kay Direk Maron.
Aniya, “Salamat po kay ate Angge, na noong una ay nahihiya po ako kasi first time ko po silang maka-work, sila ni ate Uge, at kuya Luis po. Noong nag-start po ang shooting namin dito, doon ko na po nalaman na masayahin po pala sila at kahit big stars na sila ay para kaming isang pamilya sa set.
“Ang bait po ng lahat, pati ng stafff at production po. Si direk Marlon po, first time ko siyang na naka-work din po at thankful po ako kay direk.”
Dagdag niya, “Noong audition ko po rito ay nalaman nila na ako si Dakip sa (pelikulang) Liway at tinanggap na po nila ako,” sambit pa ni Kenken hinggil sa pelikulang pinagbidahan noon ni Glaiza de Castro.
Nabanggit din niya ang wish na mangyari sa kanyang showbiz career.
“Siyempre po, gusto ko po talagang magkaroon ng mga movies at teleserye po… dahil gusto ko pong makapag-ipon po ako ng pera para makapag-aral pa po ako sa college,” pakli pa ng binatilyo na noong bata pa lang ay tumutulong na sa kanyang pamilya sa kita niya sa showbiz, para sila ay makaraos sa araw-araw.
Showing na sa mga sinehan simula ngayong Wednesday, December 3 ang pelikulang “Ang Happy Homes ni Diane Hilario”.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com