MATAPANG na nilalabanan ang kirot sa kanyang kanang bukong-bukong, nakapagtala si Karl Eldrew Yulo ng 13.733 puntos upang maiuwi ang bronse sa men’s floor exercise ng 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships na ginanap sa Manila Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts sa Lungsod ng Pasay.
Dahil sa iniindang injury na nakuha niya isang araw bago ang kompetisyon, kinailangan ni Yulo na maging sobrang maingat sa kanyang mga landing at hindi niya nagawa ang mga magagarbong galaw at eksplosibong performance na kanyang kinikilala.
Pangalawa siyang nag-perform sa walong kwalipikado sa finals. Nabawasan siya ng 0.100 puntos sa kanyang ikalawang pass matapos bahagyang lumabas sa boundary. Kinailangan niyang maghintay nang may kaba hanggang matapos ang lahat upang malaman kung pasok siya sa podium.
Siya ang nakakuha ng pinakamataas na puntos sa event noong all-around finals noong Sabado, kung saan nagtala siya ng 14.300 puntos, sa kompetisyong inorganisa ng Office of the President, Philippine Sports Commission, at Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Nalagpasan naman ang kanyang score ng susunod na gymnast, si Yang Langbin ng China, na nagtala ng 13.833 puntos upang makuha ang gintong medalya. Si Simone Speranza ng Italy, na ikaapat na dumiskarte sa floor, ay nakakuha ng 13.766 puntos para sa pilak.
Sa isang sport kung saan maliit na pagtaas o bawas ng puntos ang maaaring magdikta ng resulta, maaari sanang nakuha ni Yulo ang pilak kung hindi dahil sa 0.100 penalty, sa kanyang huling kompetisyon bilang junior athlete.
“Hindi ko po alam sabihin kasi hindi lang po ito kompetisyon. Nakakaiyak sobra, siyempre nag-i-start na po ’yung journey ko. Marami pa pong disappointments or happiness,” sabi ni Yulo tungkol sa kanyang malaking tagumpay sa harap ng mga kababayan.
“Masakit pa rin po. We still managed to compete with it. We still manage to get bronze. Because that’s us, guys, we’re still Filipino,” ani Yulo, na halos maiyak matapos ang matapang niyang pag-perform.
Bagama’t inaasam ang ginto, sinabi ni Gymnastics Association of the Philippines president Cynthia Carrion na kuntento siya sa performance ni Yulo, lalo na’t lumaban ito kahit may iniindang sakit.
“Na-injure ’yung paa niya kaya understandable ang resulta. Kailangan kong sabihan ang Japanese physiotherapist na si Junpei Kono na mag-stay pa ng isang araw para gamutin siya,” pagbubunyag ni Carrion.
“Anyway, may vault at high bar pa tayo bukas. Tingnan natin kung paano tayo,” dagdag niya. “Sana at ipinagdarasal ko na gumaling ang kanyang paa bukas.”
Ayon naman kay PSC chairman Patrick Gregorio, na nakaupo katabi ng FIG president Morinari Watanabe habang pinapanood si Yulo, “Hindi ako makahinga. Sabi ko kay President Watanabe, ito na si Carlos Yulo 2.0 na nagpe-perform dito sa Manila.
“Isang napakagandang simula para sa batang si Eldrew. Huwag nating kalimutan na napakabata pa niya at nakalaban niya ang pinakamagagaling sa buong mundo.” (PSC MCO/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com