
UMABOT na sa 98 ang bilang ng namatay sa lalawigan ng Cebu isang araw matapos hagupitin ng bagyong Tino noong Martes, 4 Nobyembre.
Ayon sa datos na inilabas ng Emergency Operations Center (EOC) ng pamahalaang panlalawigan nitong Miyerkoles, 5 Nobyembre, hindi bababa sa 120,000 residente ang inilikas at nawalan ng ng tahanan dahil sa malawakang pagbaha sa probinsiya.
Nabatid na naitala sa bayan ng Liloan ang pinakamataas na bilang na umabot sa 35 ang binawian ng buhay.
Sa patuloy na paghahanap ng mga nawawalang residente, inaasahang maaaring tumaas pa ang bilang ng mga biktimang namatay mula sa mga lugar na matindi ang dinananas na pagbaha noong Martes ng umaga dahil sa pananalasa ng bagyong Tino.
Sa datos ng EOS, naitalang 16 ang namatay sa Compostela, 12 sa lungsod ng Mandaue, siyam sa lungsod ng Danao, pito sa Talisay City, anim sa Balamban, at isa sa Consolacion.
Sa lungsod ng Cebu, hindi bababa sa 12 residente ang binawian ng buhay dahil sa matinding pagbaha, ayon kay Mayor Nestor Archival.
Dagdag ng EOC, 120,874 residente ang pansamantalang nakasilong sa 968 evacuation centers sa buong lalawigan.
Walang koryente at tubig sa Danao, Bantayan, Tabogon, Medellin, at Daanbantayan.
Karamihan sa mga munisipalidad at mga lungsod sa Cebu ay nakararanas ng mahina at putol-putol na signal ng mga telco.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com