ISANG kapana-panabik na pagtatapos ang naganap sa Batang Pinoy 2025, nang muling pinatunayan ng Lungsod ng Pasig ang kanilang kahusayan matapos tanghaling back-to-back overall champion, sa pamamagitan ng makitid na panalo laban sa mahigpit na karibal — ang Lungsod ng Baguio — sa huling bilang ng medalya.
Natamo ng Pasig City ang kabuuang 95 gintong medalya, 72 pilak, at 87 tanso, samantala pumangalawa ang Baguio City na may 91 ginto, 72 pilak, at 74 tanso.
Nagpalitan ng puwesto ang Lungsod ng Davao at Lungsod Quezon mula sa nakaraang taon, at ngayo’y pumapangatlo at pumapang-apat, ayon sa pagkakasunod.
Nakamit ng Lungsod ng Maynila ang ikalimang puwesto sa kanilang kahanga-hangang pagbabalik, mula sa pagkakaroon ng isang gintong medalya noong nakaraang taon — isang malaking hakbang patungo sa patuloy na pag-unlad ng kanilang mga atletang kabataan.
Binati ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pangunguna ni Chairman John Patrick “Pato” Gregorio ang lahat ng kalahok na atleta sa kanilang pagsisikap at dedikasyon.
“Nawa’y magsilbi itong inspirasyon upang lalo pang paigtingin ang pagsasanay at paghahanda sa mga susunod na paligsahan,” pahayag ng PSC.
Gamit ang mga hashtags na #BatangPinoyGenSan2025 #GrassrootsToGold
#GoldToGreatness #HappyAtletangPinoy, ipinagmalaki ng PSC ang programa para sa mga batang atletang Pinoy sa grassroots level.
“Hanggang sa muling pagkikita sa Lungsod ng Bacolod sa susunod na taon!” masiglang pagwawakas at paalala ng PSC. (HATAW News Team)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com