TINAYA ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagdagsa ng 2.2 milyong pasahero sa mga pantalan mula 27 Oktubre hanggang 5 Nobyembre para sa paggunita sa Undas.
Ayon sa PPA, ang bilang ng mga pasahero ay may pagtaas ng 300,000, kompara sa naitalang 1.9 milyong pasahero noong nakaraang taon.
Kaugnay nito, nabatid na nagsagawa ng inspeksiyon kahapon sina PPA General Manager Jay Santiago at Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez sa Batangas Port, ang pinakamalaki at pinakaabalang pantalan sa bansa.
Layunin ng inspeksiyon na matiyak ang kalidad ng mga pasilidad at maayos ang paghahanda ng operasyon ng pantalan, para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.
Aniya, sinuspendi nila ang leave ng lahat ng empleyado upang masigurong episyente ang operasyon ng mga pantalan sa Undas.
Nakikipag-ugnayan sila sa Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police Maritime Group para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero sa mga pantalan 24/7.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com