KOMPIRMADONG lumapag ang isang United States Air Force E-4B Nightwatch na kilala rin bilang Doomsday plane sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City nitong Linggo (Oktubre 26).
Positibong inamin ng Philippine Air Force (PAF) ang nasabing paglapag.
“The PAF confirms that an E-4B aircraft arrived at Sunday noontime, October 26 landed at NAIA, it remained overnight for refueling and crew rest,” pahayag ni Col. Ma. Christina Basco, Spokesperson ng PAF.
Ani Basco, ang nasabing US Air Force (USAF) ay may diplomatic clearance pero wala itong VIP visit sa Filipinas.
“The PAF will monitor and assist this diplomatic layover as needed until its departure on October 27, 2025,” ayon kay Basco.
Dakong 11:38 ng umaga nitong Lunes, 27 Oktubre nang umalis sa NAIA ang nasabing US aircraft. Ang E-4B Nightwatch ay nagsisilbing National Airborne Operation Center na tumitiyak sa kaligtasan ng command, control, at hub ng komunikasyon ng US President, Secretary of Defense, at Joint Chief of Staff sa panahon ng national emergencies at kung masira ang ground command centers.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com