HINDI tinatanggap ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang mga pahayag na ginawa ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Jose Torres, Jr., na pinaliliit ang sakop ng mga nagaganap na meda killings at pagtangging may kultura ng impunity sa bansa.
Sa paskil sa kanilang social media account, sinabi ng NUJP, “bagaman totoong hindi lahat ng pamamaslang sa mga mamamahayag ay may kaugnayan sa kanilang propesyon, nananatiling, naniniwala ang mga media organization, kabilang ang NUJP, na ang lahat ng pamamaslang sa mga mamamahayag ay dapat na ituring na work-related hanggang mapatunayang hindi.”
Kinakailangang paniwalaan ito dahil sa umiiral na ‘climate of impunity’ sa Filipinas, na ang mga may sala, lalo ang mga utak, ay kadalasang hindi natutukoy ang pagkakakilanlan, ‘di nauusig, kaya hindi napapanagot.
Sa karamihan ng mga kaso, maraming taon at minsan ay deka-dekada ang bibilangin bago makamit ang katarungan.
Kaya para sabihing halos lahat ng 200 kaso ng media killings simula 1986 ay hindi work-related, isinasawalang-bahala nito ang malupit na katotohanan na malayong makamit ang katarungan para sa mga nasabing kaso, ang mga insitusyon sa estado ay bigong mapanagot ang mga gustong magpatahimik sa pamamahayag.
Isang halimbawa ang 2009 Ampatuan massacre sa Maguindanao, na 32 buhay ng mga mamamahayag at iba pang media worker ang kinitil. Inabot nang isang dekada upang magkaroon ng hatol ang mga kaso noong 2019, at kahit may hatol na mula sa hukuman, marami pang suspek ang nananatiling nakalalaya.
Pinasisinungalingan ng lokal at internasyonal na datos ang pahayag na hindi totoong walang kultura ng walang pananagutan sa bansa.
Patuloy na naitatala ng Committee to Protect Journalists (CPJ) ang Filipinas bilang isa sa mga worst offender sa buong mundo sa kanilang 2024 Global Impunity Index, sa ikasiyam na puwesto, na may 18 hindi pa nareresolbang kaso ng pamamaslang sa mga mamamahayag.
Labimpitong taon nang nasa listahan ang bansa – taliwas sa kuwentong tila nais ng PTFoMS na paniwalaan ng publiko.
Sa kabila nito, bukas ang NUJP sa mga inisyatibo gaya ng pagbuo ng bagong memorandum of agreement sa pagitan ng PTFoMS at National Police Commission (Napolcom) upang maprotektahan ang mga karapatan ng mga mamamahayag at maputol ang pangre-red tag at pangha-harass
Gayonpaman, ang mga inisyatibong ito ay kailangang may kaakibat na transparency, accountability at sense of urgency.
Naniniwala ang NUJP na ang pagpapaliit ng problema ay hindi ang solusyon sa kaligtasan ng mga mamamahayag.
Matitigil lamang ang kultura ng kawalang pananagutan kung matitiyak na lahat ng kaso ng karahasan laban sa mga mamamahayag ay mabilis na maiimbestigahan, at maisuplong sa hustisya ang mga may sala at utak nito.
Higit sa lahat, kailangang maunawaan at kilalanin ng pamahalaan ang kapahamakang hinihaharap ng mga mamamahayag sa bawat araw. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com