INIHAYAG ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na siya ay na-diagnose ng leukemia matapos sumailalim sa quintuple bypass heart surgery noong 2023 habang nagseserbisyo bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ).
Sa panayam ng broadcast journalist na si Luchi Cruz-Valdes, ibinahagi ni Remulla ang danas kaugnay ng kanyang kalusugan.
Aniya, natuklasan ang cancer sa dugo habang siya ay nagpapagaling mula sa operasyon. Dalawang beses siyang sumailalim sa cycle ng chemotherapy, total body radiation, at bone marrow transplant, na ang dugo ay mula sa kanyang anak hanggang siya ay gumaling.
“My blood now is not my old blood. It is blood from my son. We are a full match, that’s how I recovered and the prognosis looks good,” ani Remulla.
Dagdag ni Remulla, marahil nalampasan niya ang karamdaman dahil marami pa siyang dapat gawin, tungkulin at layunin sa buhay.
Unang pagkakataon ito na ibinahagi ng bagong Ombudsman ang pagdanas ng leukemia, na naganap kasunod ng kanyang 10-araw na wellness leave sa DOJ noong 2023.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com