GENERAL SANTOS CITY – Kahit maulan at makulimlim ang panahon ay napagtagumpayan ni Divine Andrea Pablito ng Bago City ang unang gintong medalya sa unang araw ng 2025 Batang Pinoy Games na ginanap sa Antonio Acharon Sports Complex, kahapon.
Nakitaan ng determinasyon ang 17-anyos discus thrower na si Pablito matapos niyang irehistro ang 32.19 meter sa kanyang unang hagis sapat upang angkinin ang ginto sa U18 discus throw event.
Pagkarinig sa officials na siya ang nanalo, bigla siyang napasigaw at napalundag sa tuwa sa event na inorganisa ng Philippine Sports Commission, (PSC) sa pamumuno ni Chairman Patrick “Pato” Gregorio.
Inamin ng anak ng sakada at bunso sa limang magkakapatid, na naging mahirap sa kanya ang pagsilo sa unang gintong medalya dahil sa panahon.
“Mahirap po hawakan ang discus at mahirap itapon kasi madulas,” maluha-luhang sabi ni Pablito na inialay ang tagumpay sa kanyang magulang, sa kanyang coach, at sa Diyos.
May ambisyon na maging pulis, hindi sumuko si Pablito kahit dalawang beses nabigo sa nasabing sport, pang-walo siya noong nakaraang Batang Pinoy sa Puerto Princesa, Palawan at pang-walo ulit sa Palarong Pambansa.
“Sobrang saya ko, first time kong mag-medal sa national tournament, dalawang beses kasi akong top 8 lang last year at sa Palarong Pambansa,” maluha-luhang hayag ni Pablito.
Inungusan ni Pablito sina Trisha Nalla ng Maasin, Leyte, at Gwenn Julia Salac ng Tarlac na nagtala ng 31.26m at 30.05m para masungkit ang silver at bronze ayon sa pagkakasunod.
Binura ni Ashton Clyde Jose ng City of Santa Rosa ang dating meet record na 2:15.58 matapos irehistro ang 2:15.12 tiyempo para ikuwintas ang gold medal sa Boys 16-17 200m individual medley.
Tinalo ni Jose sina City of San Fernando bet Anton Paulo Dominick Della, (2:16.97) at Jian Paul Baulos ng Davao (2:18.92).
Dalawang ginto ang nilangoy ni Christian Lagnason para sa host city, naghari sa Boys 12-13 m IM sa oras na 2:19.63 at 100m freestyle sa oras na 57.26.
Ang ibang sumambot ng gintong medalya ay sina Rich Justin Torres ng Tarlac sa shot put boys U16; Jane Manalo ng Zamboanga sa girls 10 and 11; at Alexandra Dormitorio ng Quezon City sa MTB XCO – Girls 16 -17.
Nakasungkit din si Sophia Rose Garra ng Malabon ng gold sa girls 12-13 200m IM sa tiempong 2:32.14. (PSC MCO/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com