JAKARTA, Indonesia – Buong pusong inendoso ni Ginang Ita Yuliati, Chairman ng Local Organizing Committee ng 53rd FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Indonesia, ang gaganaping ikatlong Junior World Championships sa Filipinas ngayong darating na Nobyembre.
“Ang pagkakaroon ng dalawang malalaking pandaigdigang paligsahan sa Timog-Silangang Asya na magkasunod ay tiyak na magdudulot ng higit pang pag-unlad sa larangan ng gymnastics sa ating rehiyon,” ani Yuliati, Pangulo rin ng Indonesia Gymnastics Federation at namumuno sa kasalukuyang pagsasagawa ng world championships sa Jakarta.
Ayon sa batikang opisyal ng palakasan, ang pagho-host ng Filipinas sa ikatlong edisyon ng junior world championships na nakatakdang ganapin sa 20-24 Nobyembre sa Manila Marriott Hotel Grand Ballroom, sa Newport World Resorts, Lungsod ng Pasay, ay patunay nang patuloy na pagkilala ng International Gymnastics Federation (FIG) sa kakayahan ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya sa matagumpay na pagsasagawa ng mga pandaigdigang kompetisyon.
Binanggit niya ang pagkakasunod ng dalawang mahahalagang paligsahan sa rehiyon ay tila itinakda ng pagkakataon, kasunod ng makasaysayang pagkapanalo ng dalawang gintong medalya ni Carlos Edriel Yulo sa Palarong Olimpiko sa Paris noong 2024, na kanyang tinawag na “talagang kahanga-hanga.”
“Kaya’t aking hinihikayat ang lahat ng mga bansang kalahok sa world championships na makibahagi rin sa junior world championships na gaganapin sa Maynila. Ako, kasama ang pambansang junior team ng Indonesia, ay tiyak na dadalo,” dagdag ni Yuliati.
Nagpahayag ng buong suporta si G. Nicolas Baumpane, Kalihim-Heneral ng FIG, sa nalalapit na pandaigdigang junior gymnastics competition sa Maynila, na isinasagawa sa tulong ng Office of the President, Philippine Sports Commission, at inorganisa ng Gymnastics Association of the Philippines sa pamumuno ni Gng. Cynthia Carrion.
“Sa loob ng humigit-kumulang isang buwan, tayo ay patungo na sa Maynila para sa Junior World Championships. Nasasabik na kaming makadalo at masaksihan ang isang kahanga-hangang pagtatanghal,” ani Boumpane.
“Gusto rin namin bigyang-diin ang napakagandang ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng FIG, GAP, at ng Local Organizing Committee. Maraming salamat, Cynthia. Magkikita-kita tayo sa Maynila,” dagdag niya.
Bukod sa suporta ng Milo at ng Pamahalaang Lungsod ng Pasay, ang 53rd FIG Artistic Gymnastics World Championships ay nalampasan na ang senior division pagdating sa bilang ng mga kalahok na bansa at event.
Habang mayroong 476 nangungunang atleta mula sa 76 bansa na nakikilahok sa Indonesia Arena, mayroon nang 77 bansa at halos 900 kalahok ang nakarehistro para sa Junior World Championships, na sinusuportahan ng Newport World Resorts.
Ang St. Luke’s Medical Center ang opisyal na partner para sa serbisyong medikal, habang ang mga opisyal na hotel ay kinabibilangan ng Manila Marriott Hotel, Savoy Hotel, Belmont Hotel, Hotel Okura Manila, Savoy Hotel Manila, at Hilton Express. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com