SA ISANG makabuluhang pagpapakita ng diplomasya sa larangan ng palakasan at pagkakaisa sa rehiyong Timog-Silangang Asya, nagtagpo kamakailan sa Jakarta si Ginoong Patrick “Pato” Gregorio, Chairman ng Philippine Sports Commission (PSC), at si Ginoong Erick Thohir, Indonesian Sports Minister, upang talakayin ang mas malalim na ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ang nasabing pagpupulong ay nagsilbing muling pagtatagpo nina Gregorio at Thohir, na matagal nang magkaibigan at unang nagkakilala mahigit dalawang dekada na ang nakararaan bilang mga ehekutibo sa larangan ng pampinansyang palakasan.
Sa kasalukuyan, kapwa sila itinalaga sa kani-kanilang mga posisyon bilang mga pinuno ng pambansang ahensiyang pangpalakasan—si Ginoong Gregorio noong Hulyo at si Ginoong Thohir noong Setyembre.
Ang kanilang matibay na ugnayang personal at propesyonal ay nagsilbing pundasyon ng isang ambisyosong adhikain: ang pagtatatag ng isang matibay at pangmatagalang alyansa sa larangan ng palakasan sa rehiyon.
Sa loob ng 36-oras na pagbisita sa Jakarta, dumalo si Ginoong Gregorio sa seremonya ng pagbubukas ng FIG World Gymnastics Championships, nagbigay-suporta sa mga gymnast na Filipino, at nakipagpulong sa mga opisyal ng International Gymnastics Federation (FIG) upang talakayin ang mga programang pangkaunlaran para sa rehiyon.
Nagkaroon ng mga mataas na antas ng talakayan sina Gregorio at Thohir hinggil sa mga posibilidad ng sabayang pagho-host ng mga pandaigdigang kompetisyon at mga inisyatibo sa larangan ng sports tourism.
Tampok sa pagbisita ni Gregorio ang kanyang pakikipagkita kay Pangulong Prabowo Subianto ng Indonesia, isang masigasig na tagasuporta ng karangalan ng bansa sa Olimpiyada, sa kasal ng anak ni Ginoong Thohir na ginanap noong Sabado ng gabi.
Kapwa ipinagdiwang ng Filipinas at Indonesia ang kanilang makasaysayang tagumpay sa Paris 2024 Olympic Games, na parehong nakapag-uwi ng dalawang gintong medalya—isang tagumpay na nagpapakita ng tumitibay na presensiya ng Timog-Silangang Asya sa larangan ng pandaigdigang palakasan.
“Ang tagumpay ng Filipinas at Indonesia sa Olimpiyada ay tagumpay ng buong rehiyon. Sa pamamagitan ng pagkakaisa, maaari natin pag-ibayohin ang ating presensiya at kakayahan sa pandaigdigang kompetisyon,” pahayag ni Ginoong Gregorio.
Ipinahayag ni Ginoong Thohir ang kanyang buong suporta sa nasabing layunin, at inihayag ang kagustohang makipagtulungan sa Filipinas sa pagho-host ng mas malalaking pandaigdigang paligsahan.
Binanggit niya ang matagumpay na pagsasagawa ng FIBA World Cup 2023, na kapwa pinangunahan ng Indonesia at Filipinas, bilang modelo ng hinaharap na kolaborasyon.
Sa harap ng layuning palakasin ang papel ng rehiyon sa pandaigdigang palakasan, ang pagkakaibigan at ugnayan nina Gregorio at Thohir ay inaasahang magsisilbing pangunahing puwersa sa paghubog ng isa sa pinakaambisyosong inisyatiba sa kasaysayan ng palakasan sa Timog-Silangang Asya. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com