SUGATAN ang pito katao matapos sumabog ang isang acetylene tank sa isang junk shop sa Quezon City nitong Lunes ng hapon.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang pagsabog ay nagdulot ng sunog sa junk shop sa Mayon St., sa Brgy. Sta. Teresita dakong 2:15 ng hapon.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nagpuputol ang mga biktima ng metal gamit ang acetylene tank nang biglang sumabog.
Agad isinugod sa ospital ang mga biktima napinsala ng mga lapnos at mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at naapula dakong 4:45 ng hapon.
Ayon sa mga arson investigator, nasa P1.75 milyong halaga ng ari-arian ang natupok ng apoy.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com