LIMANG biktima ng sexual exploitation na kinabibilangan ng isang 10-anyos estudyante ang nasagip kasabay ng pag-aresto sa isang babaeng suspek sa isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kasama ang Dutch National Police, sa Caloocan City at Rodriguez, Rizal noong nakalipas na linggo.
Mabilis na aksiyon ang tugon ng NBI Human Trafficking Division (HTRAD) sa referral na isinumite ng Dutch National Police, sa pamamagitan ng Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC) kaugnay sa nadakip nilang Dutch national na nakuhaan ng Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) at natuklasan na ang source ay nasa Filipinas.
Gamit ang Open-Source Intelligence (OSINT), natunton ang isang 10-anyos estudyante ng public elementary school sa Caloocan City, na naging daan upang matukoy ang apat pang menor de edad, na sinabing lumipat na ng eskuwelahan.
Noong 16 Oktubre 2025, isinilbi ang search warrant at naaktohan ang babaeng suspek sa bahay kung saan isinasagawa ang produksiyon ng seksuwal na gawain sa mga larawan at recorded live videos na ibinebenta online, batay sa narekober na mga ebidensya.
Kasama ng NBI-HTRAD ang NBI-Digital Forensics Laboratory (NBI-DFL), mga kinatawan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), National Coordination Center – OSACE CSAEM Cyber-Trafficking-in-Persons Operations Division, non-government organizations at isang miyembro ng Dutch National Police.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com