MATAGAL na rin sa mundo ng showbiz si Ayanna Misola, pero first time pa lang siyang naging part ng isang TV show sa pamamagitan ng ‘Sanggang Dikit FR’ ng GMA-7.
Tugon niya nang naka-chat namin ang sexy actress, “Yes, Sanggang Dikit FR po yung first TV Project ko, as one of the regular casts.”
Nabanggit din ni Ayanna ang role sa seryeng pinagbibidahan nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado.
Kuwento ng aktres, “Ginagampanan ko po ang role ni Apple Castro, isa sa mga taga-Barangay San Isidro at kabarangay nina Tonio (Dennis) at Bobby (Jennylyn).
“Ako po ‘yung tipo na palaban sa lahat ng bagay, marupok sa mga pogi, at pati mga barangay pageant sinasalihan ko! Si Apple ay madaldal pero lovable, minsan marites din po pero laging may puso.”
Pagpapatuloy pa ni Ayanna, “Best friend ko rito si Peach (Alona Navarro), at palaging masaya ang tandem namin sa set. Sa ngayon, hindi pa po namin alam kung gaano kalalim ang magiging character ni Apple dahil araw-araw po ibinibigay sa amin ang script, kaya sobrang exciting!
“Abangan po natin kung saan pa siya dadalhin ng kuwento.”
Ayon pa sa aktres, sobrang saya niya at malaking blessing na napabilang siya sa nasabing Kapuso serye.
“Super-enjoy po akong mag-work, sobrang gaan po katrabaho ng lahat and super nice po ng lahat ng casts, lalo na po yung production and sila direk Kevin Dela Vela and Direk LA Madridejos. Palagi po nila kaming igina-guide and inaalagaan lalo na kapag may questions po kami sa scene.
“I feel so blessed po na mapabilang sa cast ng Sanggang Dikit dahil halos lahat ng main cast ay all-star. Dati napapanood ko lang po sila sa TV, lalo na po ang DenJen, mina-marathon ko pa nga noon ‘yung mga shows nila.
“Kaya sobra po talaga ‘yung tuwa at pasasalamat ko na ngayon ay nakatrabaho ko na sila. Bukod po sa galing nila, napakabait pa nila sa set, kaya ang sarap pong magtrabaho. Sobrang nakakataba ng puso na bilang baguhan sa TV industry, nabigyan ako ng pagkakataon na maging parte ng ganitong kalaking project,” masayang sambit pa ni Ayanna.
Goodbye na ba siya sa pagpapa-sexy sa pelikula?
Esplika ni Ayanna, “Sobrang saya at grateful po ako na nabigyan ng chance sa TV. Iba rin po talaga ‘yung experience ng teleserye, kasi mas madalas ang taping at mas nakikilala mo ‘yung character mo. Hindi ko naman po sinasabi na totally goodbye sa sexy roles, pero ngayon mas focus ako sa growth at sa mga roles na makakapagpakita ng iba’t ibang side ko bilang artista.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com