ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
TINIYAK ni Paolo Gumabao na kung sa stage play ng “Walong Libong Piso” ay na-sustain nila ang interes ng viewers na hindi na-bore ang manonood, ganoon din ang inaasahan niya sa movie version nito.
Pahayag ni Paolo, “Iyong atake naman ng film and theater, although magkaiba sila in terms of size and intensity, nandoon pa rin iyong technique, nandoon pa rin iyong nuances, iyong transitions…
“So, regardless kung teatro ba iyan o pelikula, I think naman na na-execute namin ni direk Dante ang dapat ma-execute sa pelikula.”
Tiniyak din ni Paolo na kaabang-abang ang re-run ng kanilang play na tatampukan niya, at nina Drei Arias, Jhon Mark Marcia, plus ng bagong dagdag sa cast na si Jorge Guda na miyembro ng sumisikat na all male group na Magicvoyz.
Sambit ni Paolo, “Sa second run ng Walong Libong Piso, kung mas daring ngayon compared to that last time? Para sa akin, siguro maghahanap tayo ng ways para mapanindigan iyong mas sexy na style. Pero at the same time, mas magfo-focus pa rin po kami roon sa pagkapulido ng trabaho, pagkapulido ng character.
“Puwede naman tayong magdagdag ng kaunting sexy doon, pero ang pinaka-main focus pa rin natin ay iyong character.”
Ang patok na Walong Libong Piso play na nagkaroon ng 12 shows sa Teatrino noong Agosto ay magbabalik, due to insistent public demand. Dahil maraming nabitin, pinutakte ng request na re-run ang bumubuo sa Bentria Productions. Kaya magkakaroon ng re-run ang Walong Libong Piso sa entablado sa mga sumusunod na dates – November 29, December 5, 12, at 14. May dalawang show sa mga nabanggit na dates, isang 6:00pm at 9:00pm, sa Teatrino pa rin.
Pero ito ang twist, bago ipalabas ang re-run ay mapapanood na ang inaabangang film version sa October 22 na ang pinalad na magbida ay si Paolo. Sa kabila ng maselan na “subject matter” at “nudity” sa pelikula ay nabigyan ito ng MTRCB rating na R-16, kaya showing siya maging sa mga SM malls, nationwide.
Anyway, kaabang-abang ang napakahusay na pagganap ni Paolo sa isang one shot take na pelikula. Siguradong mag-iinit sila sa mapangahas na performance ng award-winning sexy actor.
Ito’y sa panulat at direksiyon ng former sexy actor na si Dante Balboa, na tinaguriang educated hunk noong 1990s dahil isa siyang legit na professor.
Ang nasa likod ng mga proyektong ito ay si Engineer Benjie Austria ng Bentria Productions. Siya rin ang nag-produced ng award winning film na “Broken Blooms” na idinirek ni Louie Ignacio at dalawang Joel Lamangan films, ang “Huwag Mo’Kong Iwan” na pinagbidahan nina Rhian Ramos, JC de Vera at Tom Rodriguez at ang star-studded na “Fatherland” starring Allen Dizon, Iñigo Pascual, Angel Aquino, Richard Yap, Ara Mina, Mercedes Cabral, Max Eigenmann, Jeric Gonzales, Kazel Kinouchi, Ara Davao, at Cherry Pie Picache.
Ang Fatherland ay nakatakdang mag-compete ngayong Nobyembre sa Barcelona Film Festival. Ang pelikulang “Graduation Day” naman, na pinagbibidahan nina Jeric Gonzales at Elizabeth Oropesa ay ipalalabas sa mga eskuwelahan, ang playdate nito sa mga sinehan ay sa Marso 2026,
Anyway, pinuri ni Direk Dante si Paolo sa husay ng performance niya sa nasabing pelikula.
“So, napakagaling ni Paolo, sinabi ko lang na sa film version, kailangan na pang-film iyong acting… So microscopic iyan, iyong nuances ay halata kapag nag-e-effort ka sa voice, etcetera. Grabe, napakagaling ni Paolo sa parehas na medium, sa play at sa film version.
“Kumbaga, ang hirap makahanap ng artista na kakayanin iyong ganoong pelikula. Kasi wala po siyang cut, e…”
Inusisa naman namin si Engineer Benjie sa pagkapili kay Paolo sa apat na aktor na nagbida sa kanilang play.
Esplika ng mabait na producer, “To be fair naman sa apat, si Paolo ang kilala as an actor, so, why not? At may napatunayan na rin kasi siya. Siguro iyong rest, may potentials naman sila. So, baka puwede rin natin silang mabigyan ng break, someday.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com