ARESTADO ang isang lolo na sangkot sa pagtutulak ng droga matapos malambat ng pulisya sa buybust operation at makuhaan ng nasa halagang P33,000 shabu kamakalawa ng gabi sa Navotas City.
Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Navotas Police Acting Chief P/Col. Renante Pinuela hinggil sa sinabing illegal drug activities ng 60-anyos na si alyas Lolo Boy.
Nang magawa ng isa sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na makipagtransaksiyon sa suspek, agad ikinasa ng mga tauhan ni Col. Pinuela ang buybust operation at nakipag-ugnayan sa PDEA.
Hindi nakapalag ang suspek nang dambahin ng mga operatiba ng SDEU sa Brgy. Tanza 2, dakong 8:53 ng gabi makaraang bentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakompiska sa suspek ang nasa 4.95 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P33,660 at buybust money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com