SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MATAGAL nang pangarap ni Coco Martin na makatrabaho sina direk Erik Matti at Dondon Monterverde. Fan kasi ang Kapamilya Primetime King ng premyadong direkor at film produ.
Ito ang inamin ng aktor sa isinagawang MMM Partnership presscon kahapon ng tanghali sa Marco Polo, Ortigas na inihayag ang pagsasama-sama ng mga bigating pangalan sa pelikula. Ito nga ang sanib-puwersa ng award-winning director na si Matti, film producer Monteverde, at Kapamilya Primetime King Martin para sa dalawang bagong proyekto.
Sa partnership na ito magbibida si Coco sa dalawang pelikula, ang On the Job: Maghari (2026) at MayPagasa – The Battles of Andres Bonifacio (2027) na ididirehe ni Erik.
Inamin ni Coco na matagal na niyang gustong makatrabaho ang dalawa. “Noong napanood ko ang ‘BuyBust’ sinabi ko, ‘sino bang lalaki o artista ang hindi papangarapin na makagawa ng ganoong klaseng proyekto at makatrabaho si direk Erik Matti at sir Dondon.
“Honestly, siyempre bilang artista naghihintay ka na sana mapansin ka, mabigyan ka ng pagkakataon, mai-consider ka sa isa sa mga project nila.
“Kaya sabi ko sa sarili ko mag-aabang ako na sana mapansin nila ako,” nakangiting pag-amin ng aktor.
Sinabi pa ni Coco na dahil sa sobrang paghanga niya sa dalawa, ini-require pa niya sa production staff niya na sabay-sabay nilang panoorin ang BuyBust.
“Pero hindi nila ako tinatawagan hanggang gumawa na sila ng OTJ 2 ganyan-ganyan, hindi pa rin nila ako napapansin,” iiling-iling na tila pagsusumbong ng aktor.
Dahil dito nakuwestiyon ni Coco ang sariling kakayahan.
“Dumating na ang pagkakataon na sinabi ko sa sarili ko na baka hindi pa ako enough, baka siguro sa mata ko kaya ko kahit paano makapag-aksiyon, makapag-drama, maka-arte ng kaunti. Pero siguro kanya-kanyang panlasa eh, baka sa panlasa ni direk Erik at sir Dondon baka hindi pa ako enough,” sabi ni Coco.
Dagdag pa ng aktor, “Tahimik lang ako at sinabi ko sa sarili ko kung hindi nila ako naiko-consider, ang layo na ng naiisip ko kasi iniisip ko sila, sila hindi nila ako naiisip. Sabi ko sa sarili ko kung hindi nila ako nakikitaan ng potensiyal o ng kakayanan para gumawa o maging part ng movie nila sabi ko, ‘bakit hindi ako na lang ang gumawa ng isang proyekto na baka sakali makagawa rin ako ng proyektong ginagawa nila.’
“Pero dahil sa sobrang busy ko sa Batang Quiapo, hindi ko pa iyon maharap.”
Pero dumating ang isang araw sa pamamagitan ni Ate Lea na ang hinihintay niya ay nagkaroon ng katuparan. Humiling ng isang meeting sina direk Erik at Dondon.
“Kinilabutan na ako roon kasi siyempre hindi ko sinasabi ang tagal kong hinintay ito at ang tagal kong pinangarap na makatrabaho sila. Then after that sabi ko ‘sige, sige kahit sobrang busy ko talagang ginawan ko ng time.’
“Noong nagkita kami ikinuwento ko at inamin ko sa kanila na talagang matagal ko nang hinintay na ma-consider nila ako sa kanilang mga ginagawa. Kasi hindi lang sa Pilipinas na talagang naa-appreciate ng mga tao ang ginagawa nating mga Filipino. Napakahusay at napaka-talented talaga ng mga Filipino at pinagdaanan ko rin iyan before noong nasa indie films pa ako.
“At ngayong nasa mundo na ako ng teleserye, ng action, siyempre nangangarap ka ring makagawa ng isang pelikula na alam mong maipagmamalaki.
“At habang nagkukuwentuhan kami ni sir Dondon may mga project silang gustong i-pitch sa akin na magaganda.
“Binanggit ko na sobrang fan ako ng ‘OTJ’ at ‘BuyBust.’ At habang nagkukuwento ako nasabi nila na may project sila iyon ngang ‘OTJ.’ At nakikita siguro ni sir Dondon na pwede ako roon at nabanggit ko rin na fan din ako ng mga ‘Heneral Luna.’
“Nakaka-proud kasi kaya na nating gumawa ng ganoon. Tapos may project din pala silang ‘Bonifacio,’” masayang pagbabahagi ni Coco sa naging usapan nilang tatlo.
“Sa dami ng napagkuwentuhan namin umangat ang project na ‘OTJ’ at ‘Bonifacio’ dahil siguro sa hitsura ko, kakayanan ko, normal na Filipino. Mas swak sa akin ang kaarakter ni Maghari at ni Bonifacio at ‘yun after that iyon na na every week nagmi-meeting na kami,” excited na pagbabahagi pa ng aktor.
Nasabi pa ni Coco na na-develop nang na-develop ang project proyektong pinag-uusapan nila hanggang napagdesisyonan nilang gawin na.
“At ang usapan na paano palalakihin ang project hindi lang sa buong Pilipinas? At kung paano ipiprisinta in global ang gawang Filipino na ‘yun ang laging ginagawa natin.
“Kaya sabi nga naming tatlo na ‘kung gagawa tayo siguraduhin na magmamarka ito hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo,” paniniyak pa ni Coco.
Si direk Erik ang direktor ng unang installment ng On The Job noong 2013 na sinundan pa ng On the Job: The Missing 8 noong 2021.
Sa ikalawang installment ng OTJ nasungkit ni John Arcilla ang Volpi Cup sa ginanap na 78th Venice Film Festival.
Sa 2026, gugulong ang On the Job: Maghari na prequel sa On the Job na ang set ay 1995. Sa 2027, naman ang May Pagasa. Bibigyan ng panibagong bersiyon ni Coco ang buhay ni Bonifacio.
Sinabi naman ni Dondon, co-founder ng Reality MM Studios kasama si direk Erik, na sa ngalan ng kanilang pagsasama-sama magbabahagi sila ng malaking proyekto na tiyak magbabalik sa mga tao sa sinehan.
“Mahal namin ang cinema. Hindi natin ito puwedeng pabayaan,” aniya.
Sinabi naman ni direk Erik na ito ang tamang oras para magawa ang mga proyektong ito.
“Ilang beses na kaming nagkikita-kita ni Coco sa mga party, gatherings, parang ina-eye lang namin ang isa’t isa. Parang alam namin na may bagay na project for Coco. When I approached Dondon sa one year (death anniversary) ni Mother Lily (Monteverde) sabi ko showbusiness is no longer the same without mother. Kasi si Mother Lily polarizing. We need that somehow in the industry to be exciting all the time. Noong nawala si Mother naging mabait ang showbiz eh hindi naman sobrang bait ng showbiz. We all need a little bit of intriga, tsismis, a shot in the arm na parang magigising tayong lahat.
“Noong sinabi ko iyon kinausap agad ni Dondon si Lea na maybe it’s time to do a project na parang no one could think na it’s possible na mangyari. No one would think na posible kasi Coco is doing his own stuff and he can do it whenever he want’s to do it. Kung kailan niya gustong gumawa ng pelikula para sa kanya—drama, horror, aksiyon, he can do it. Kami I’ve been doing series for the last three years and I’ve been itching to go back into doing movies. Kasi ang movies iba talaga iba when you see it on the big screen,” sambit ni direk Erik.
Sa pagsasama-sama nina direk Erik, Dondon, at Coco nakatitiyak ng isang maganda at malaking proyekto ang sasambulat sa mga sinehan. Ang partnership na ito ay nangangako hindi lamang ng cinematic spectacle kundi ng mga kwentong nakabatay sa Filipino grit at identity, mga karapat-dapat na karanasan na dapat mapanood sa loob ng sinehan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com