NAKOMPISKA ng mga awtoridad ang hindi bababa sa P162-milyong halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buybust operation nitong Biyernes ng gabi, 10 Oktubre, sa Brgy. Masin Norte, bayan ng Candelaria, lalawigan ng Quezon.
Nadakip sa operasyon ang mga suspek na kinilalang sina Jack, 42 anyos; Nor, 31 anyos, mga magsasaka mula sa Zamboanga City; at Anor, 43 anyos, tricycle driver mula North Cotabato.
Inaresto ang mga suspek ng mga tauhan ng PDEA Regional Office-National Capital Region, PDEA Regional Office 4-A, sa pakikipagtulungan ng Quezon PPO Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at Candelaria CPS.
Nakuha mula sa mga suspek ang hindi kukulangin sa 25 kilo ng pinaniniwalaang shabu na nakalagay sa mga vacuum-sealed plastic pack at tinatayang nagkakahalaga ng P162,000,000; marked money; isang Toyota Fortuner; mga smartphone; at iba’t ibang ID.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com