INILUNSAD ng Philippine Sports Commission (PSC), katuwang ang Elite Link, Inc., ang Elite Link—isang makabagong mobile platform website nitong Lunes sa The Forums Solaire Resort Entertainment City sa Paranaque City.
Layuning pag-ugnayin ang mga atletang Pilipino sa mga coach, brand, club, at scout sa buong mundo.
Higit pa ito sa isang database. Ang Elite Link ay isang makabagong digital ecosystem na inilalagay ang mga atleta sa sentro ng kanilang sports journey. Sa pamamagitan ng platform na ito, makakapagrehistro ang mga atleta, makakagawa at makakapag-update ng kanilang profile, at maipapakita ang kanilang mga istatistika, tagumpay, at mga highlight ng performance—nagbubukas ng pinto sa recruitment, sponsorship, training program, at kompetisyon sa iba’t ibang antas.
Bilang bahagi ng pagpapaunlad ng mga atleta, inanunsyo ng PSC na magiging requirement ang pagrerehistro sa Elite Link para sa mga sasali sa nalalapit na Batang Pinoy event. Tinitiyak ng integrasyong ito na agad makikilala ang mga grassroots athlete sa pambansang sistema, at masusubaybayan ang kanilang progreso mula lokal hanggang sa elite na antas.
“Ang partnership na ito sa Elite Link ay isang magandang regalo para sa sports ng Pilipinas. Isa itong pagkakataon para sa mga kabataang atleta na makahanap ng komunidad, matuklasan ang mga oportunidad, at maabot ang kanilang buong potensyal,” sabi ni PSC Chairperson Patrick Gregorio. “Sa pagsisimula natin sa Batang Pinoy, tinitiyak nating may digital footprint na ang bawat atleta mula pa sa simula. Gusto naming maabot ang lahat ng atleta at maibigay sa kanila ang lahat ng oportunidad na kailangan nila upang maabot ang kanilang buong kakayahan.”
Binigyang-diin ng Elite Link ang misyon ng platform na makapagbago ng sistema: “Sa pamamagitan ng Elite Link app, lumilikha kami ng isang makabagong digital platform kung saan maaaring makipag-ugnayan ang mga atleta sa kapwa atleta, mag-training sa mga espesyalistang coach, makakuha ng sponsorship, sumali sa mga koponan, maipakita ang kanilang talento, at mapansin ng mga scout at recruiter—habang nakakakuha ng oportunidad na makasali sa mga kompetisyon sa iba’t ibang antas. Layunin naming baguhin ang sports ecosystem upang maging inklusibo at patas para sa lahat ng atleta, mula grassroots hanggang propesyonal.”
Nagbigay rin ng pahayag si Olympian at Elite Link Senior Advisor Akiko Thomson-Guevara tungkol sa karanasan ng mga atleta:
“Ang pagiging atleta ay nangangailangan ng disiplina, tibay ng loob, at puso—ngunit hindi sapat ang talento lang. Mahalaga rin ang oportunidad, koneksyon, at pagkakaroon ng visibility. Kaya’t ang Elite Link ay isang game changer—ito ay nagpapantay ng laban para sa bawat atletang Pilipino na nagnanais na mapansin, masuportahan, at magtagumpay sa pandaigdigang entablado.”
Ang platform ay pinapatakbo ng White Cloak Technologies, na nagsigurong ang Elite Link ay ligtas, scalable, at madaling gamitin. May mga mekanismo ng proteksyon sa datos at authentication na nagbibigay ng seguridad sa impormasyon ng mga atleta. May access din ang PSC sa mga insight at analytics sa pamamagitan ng isang dedikadong dashboard upang suportahan ang mga pambansang programa sa pagpapaunlad ng atleta.
“Hindi lang basta app ang Elite Link—ito ay isang matatag na digital ecosystem na nag-uugnay sa mga atleta, coach, sponsor, at scout in real time, na may mga feature para sa paglago at sustainability sa sports sector,” ayon sa pahayag ng White Cloak.
Binigyang-diin ni Gregorio:“Mapalad at proud kami na nakahanap kami ng mga partner na may parehong pananaw at sinseridad—parehong nakatuon sa pagbabagong-anyo, modernisasyon, at pag-angat ng pamahalaan sa larangan ng sports. Sigurado akong ikatutuwa ito ng maraming atletang Pilipino, coach, at sports leader.” (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com