NAKAANTABAY at handa ang pamunuan ng Manila Electric Company (Meralco) na magresponde kapag nagkaaberya sa serbisyo ng koryente na maaaring idulot ng ulan dala ng Bagyong Paolo.
Naka-full alert ang mga crew at personnel para masiguro ang maagap na pagtugon laban sa epekto ng masamang panahon lalo sa mga franchise area nito na nasa ilalim ng tropical cyclone warning signal 1.
“Makaaasa ang aming mga customer sa aming pagtutok at agarang pagtugon sa kanilang mga alalahanin. Pinapayohan rin namin ang publiko na magdoble-ingat, lalo sa mga lugar na madaling bahain,” ani Meralco Vice President at Head ng Corporate Communications na si Joe R. Zaldarriaga.
Ilan sa mga paalala para maiwasan ang aksidenteng may kaugnayan sa koryente lalo kung may pagbaha ay:
• Patayin ang main power switch o circuit breaker. Tiyaking tuyo ang kamay at paa bago humawak sa kahit anong kagamitang elektrikal.
• I-unplug ang lahat ng appliances at patayin ang mga permanenteng nakakabit na kagamitan. Kung maaari, tanggalin ang mga bombilya.
• Linisin ang putik at dumi sa mga kagamitang elektrikal gamit ang rubber gloves at sapatos na may rubber soles.
• Siguraduhing tuyo ang lahat ng kable, saksakan, at kagamitang elektrikal bago gamitin.
• Ipa-inspeksiyon sa lisensyadong electrician ang mga appliances at wiring system bago muling gamitin. Huwag gamitin ang mga kagamitang elektrikal na nasira ng baha. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com