KASADO na ang lahat para sa Batang Pinoy National Championships na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC), na isasagawa sa General Santos City mula 25-30 Oktubre 2025.
Tinatayang 19,700 atleta mula sa 191 yunit ng lokal na pamahalaan (LGUs) ang inaasahang makikilahok sa 27 disiplina ng palakasan: aquatics-swimming, archery, arnis, athletics, badminton, basketball (3×3), boxing, chess, cycling, dancesport, futsal, gymnastics, jiu-jitsu, judo, kickboxing, karate, muay, pencak silat, sepak takraw, soft tennis, tennis, table tennis, taekwondo, volleyball, weightlifting, wrestling, at wushu.
“Higit tayong handa ngayon kompara sa mga nakaraang taon,” pahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Olivia “Bong” Coo sa isang press conference noong Huwebes na ginanap sa Century Park Hotel sa Maynila.
Si Coo, isang apat na ulit na kampeon sa pandaigdigang kompetisyon at kinilala bilang miyembro ng World Bowling Hall of Fame, ang nagsisilbing project director ng Batang Pinoy—isang paligsahan para sa mga atletang may edad 17 pababa.
Samantala, pinangunahan nina PSC Chairperson John Patrick Gregorio, kasama sina Coo at mga Commissioner na sina Matthew Gaston, Edward Hayco, at Walter Torres, ang opisyal na pagpapakilala ng tropeo para sa magiging pangkalahatang kampeon.
Inihayag ni Gregorio na ang mga premyong nakalaan ay: P5 milyon para sa unang puwesto, P4 milyon sa ikalawa, P3 milyon sa ikatlo, P2 milyon sa ikaapat, at P1 milyon sa ikalimang puwesto.
Noong 2024, ang Lungsod ng Pasig ang itinanghal na pangkalahatang kampeon sa edisyong ginanap sa Lungsod ng Puerto Princesa, Palawan. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com