DINAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaki at kaniyang kasamang menor de edad na itinurong tumangay sa motorsiklo ng isang senior citizen sa bayan ng Sta. Maria, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo, 21 Setyembre.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Voltaire Rivera, hepe ng Sta. Maria MPS, kinilala nang mga suspek na sina alyas John, 18 anyos; at alyas Son, 15 anyos, estudyante, kapwa mga residente ng Brgy. San Vicente, sa nabanggit na bayan.
Natuklasan sa imbestigasyon na dakong 7:00 ng umaga kamakalawa ay sinilip ng biktimang si Maria Magdalena, 62 anyos, residente sa Brgy. Bagbaguin, Sta. Maria, ang kaniyang motorsiklong Yamaha Mio na may plakang NA53609 na nakaparada may 100 metro ang layo mula sa kaniyang tahanan.
Dito nalaman ng biktima na nawawala ang kaniyang motorsiklo kaya agad nagsumbong sa mga barangay official hanggang matuklasan sa pagsusuri sa kuha ng CCTV sa lugar ay nadiskubreng ninakaw ito ng mga suspek.
Nakipag-ugnayan ang mga opisyal ng barangay ng Bagbaguin sa katabing barangay ng San Vicente at dito natunton ang posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.
Nagresulta ang koordinasyon sa pagitan ng dalawang barangay sa pagkakaaresto sa mga suspek at pagbawi sa ninakaw na motorsiklo.
Ayon sa mga biktima, natukso silang tangayin ang motorsiklo para sila ay may pang-road trip.
Nai-turnover ang narekober na motorsiklo sa Sta. Maria MPS para sa kaukulang disposisyon, samantala inihahanda na ang kasong Carnapping na isasampa laban sa mga suspek sa Office of the Provincial Prosecutor, sa lungsod ng Malolos. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com