NAGBIGAY ng hamon si Ramon “Tats” Suzara, pangulo ng Philippine National Volleyball Federation, sa mga manlalaro ng Alas Pilipinas: panatilihin ang kanilang paglago matapos ang kamangha-manghang performance na umani ng papuri at lumampas sa inaasahan sa FIVB Volleyball Men’s World Championship.
Ipinahayag ni Suzara ang kanyang pag-asa na sina Bryan Bagunas, Leo Ordiales, Marck Espejo, Kim Malabunga, at ang iba pang kasapi ng koponan ay “patuloy na umunlad sa kanilang kakayahan at pag-iisip, at yakapin ang kanilang tungkulin bilang mga kinatawan ng isport.”
“Itaguyod ang palakasan sa lokal na antas sa pamamagitan ng pagbibigay-gabay… maging huwaran sa mga mas batang atleta sa pamamagitan ng disiplina, pagkakaisa, at tibay ng loob. Nais din naming manatili silang nakatuon sa pag-unlad, kahit sa labas ng mga malalaking kompetisyon.”
Tinapos ng Pilipinas ang kanilang matagumpay na kampanya sa isang limang-set na laban kontra Iran—isang masakit na pagkatalo, ngunit isang marangal na pakikipaglaban na humakot ng paghanga mula sa libu-libong volleyball fans sa buong mundo, kabilang ang presidente ng FIVB, ang pandaigdigang tagapangasiwa ng volleyball, at ang pinuno ng Italian federation.
Ang koponan, na may isa sa pinakamaliit na tsansang umusad, ay muntik nang makapasok sa Round of 16 sa isang prestihiyosong torneo na may 32 bansa.
“Higit pa ito sa aming inaasahan. Pero sa totoo lang, hindi rin kami nagulat. Ibinigay namin ang tiwala namin sa kanila—at tinupad nila ito. Sila ang bagong mga bayani ng isport sa bansa,” sabi ni Suzara, na siya ring pangulo ng Asian Volleyball Confederation at executive vice president ng FIVB.
Nagpakitang-gilas ang Alas Pilipinas habang ang ilan sa mga malalaking koponan at paborito ng mga fans ay nadapa sa presyur. Ang France, kampeon sa Paris Olympics, ay nagtapos sa 1–2 record at hindi umabot sa knockout rounds. Gayundin, ang Japan, na ranggo bilang ika-7 sa mundo, ay natanggal rin nang maaga matapos ang parehong record.
Nagtapos din ang Pilipinas sa 1–2 record, ngunit nanatiling may pag-asang makapasok hanggang sa huling sandali ng pool play, at tuluyang lumaban ng matindi sa limang set kontra Iran—ang pinakamataas na ranggo sa mga Asian team na nasa torneo.
Ipinakita ng koponan ang kanilang potensyal sa unang araw pa lang kahit natalo sa Tunisia, bago makamit ang makasaysayang panalo kontra Egypt—isang tagumpay na nagpatahimik sa mga kritiko at nagpasiklab ng pambansang pagmamalaki.
“Mahirap ang maging host ng world championship. At napakahirap bumuo ng koponan para dito. Pero sa tingin ko, nagawa natin nang maayos,” ani Suzara. (FIVB MWCH 2025 LOC)
Photo caption:
SABAY na nalangin sina Philippine Sports Commisson chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio (kaliwa) at PNVF President Tats Suzara sa kritikal na bahagi ng laban ng Alas Pilipinas kontra sa Iran. (HENRY TALAN VARGAS)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com