Gumugulong na ang hustisya para matuldukan ang ‘unfair practices’ sa hanay ng mga doctor at ‘mautak’ na pharmaceutical company na minsan na ring naging sentro ng imbestigasyon ng Senado bunsod ng kontrobersyal na Bell-Kenz Pharma multi-level marketing (MLM) scheme.
Kamakailan, nagpalabas na nang kautusan ang Professional Regulation Commission (PRC) kina Dr, Viannely Berwyn Formilleza Flores at Dr. Luis Raymond Tinsay Co na magsumite ng kanilang ‘counter-affidavit’ bilang sagot sa isinampang reklamo ng dating Congressman at health advocate na si Erin Tañada.
Batay sa kautusan, binibigyan lamang ang dalawang respondent ng 10 araw matapos matanggap ang ‘summon’ para sagutin ang inihaing reklamo ng dating mambabatas at makaiwas sa posibilidad na ‘default’ sa magbibigay ng katatagan sa mga inihaing reklamo ni Tanada.
Matapang ang nakasaad sa PRC summons: ‘Fail not under the penalty of the law”.
Mistulang tapik sa balikat sa argumento ni Tanada sa naging aksyon ng PRC dahil mabibigyan nito ng kalinawan at hustisya ang mga pasyente na napililitang tanggapin ang mga reseta ng doctor para sa mga gamot mula sa pinapaborang pharma company. Nasangkot ang dalawang mangagamot sa sa tinaguriang MLM scheme na nabunyag sa Senado noong Abril ng nakalipas na taon.
Kung babalikan ang isyu, sumambulat sa kamalayan ng taong-bayan ang mistulang kutsabahan sa MLM scheme matapos gisahin ng mga Senador ang Bell-Kenz Pharma sa isyu na binibigyan nito ng ‘financial incentives’ o ‘perks’ ang mga doctor kapalit nang pagrereseta ng mga produktong gawa ng naturang pharma company.
Kalaunan ay nabaon sa baol ang isyu bunsod nang mas makakaking kontrobersya at kaganapan sa pamahalaan. Ngunit, hindi nagpabaya si Tanada at binuhay ang usapin sa pamamagitan ng pagsumite ng pormal na reklamo sa PRC nitong Hulyo 17.
Bilang may akda ng Universal Health Care (UHC) bill na kanyang isinulong bilang Kongresista, ang kaligtasan at pagkakaroon ng malusog na pangangatawan ng mamamayang Pilipino ang adhikain ni Tanada papapanagutin ang mga sangkot sa naturang isyu na tinawag niyang ‘unethical scheme’ na naglalagay sa kompromiso ang kalusugan ng pasyente, gayundin ang kasiraan sa professional integrity ng mga medical practitioner at pagkawala ng tiwala ng publiko sa medical system.
Malinaw para kay Tanada na ang mga doctor na sangkot sa MLM scheme ay tahasang nagbalewala sa kalusugan at kaligtasan ng mga pasyente.
Ang aksyon ng PRC ay malinaw ding nagbigay ng katuturan sa ibinida ng Pangulong Marcos sa kanyang nakalipas na State of the Nation Address (SONA) na palalakasin ng pamahalaan ang pagkakaroon ng sapat na ‘access’ para sa dekalidad, ngunit murang gamot para sa mamamayan.
Kung ang PRC na siyang ahensiya ng pamahalaan na nagbabantay sa gawain ng mga propesyunal ay magiging tahimik at hahayaang mangibabaw ang kutsabahan sa mga ospital sa bansa tulad ng Philippine Heart Center, na kabilang sa tinukoy ni Tañada sa kanyang reklamo, hindi ba’t tahasan na rin nitong sinira ang malinis at tapat na intension ng administrayong Marcos na palakasin ang healthcare system sa bansa.
Sa sandalling maging matatag ang PRC na matutukan ang isyu batay sa reklamo ni Tanada, magiging daan ito para sa ating mga mambabatas na busisiin at isabatas ang Philippine version ng US Stark Law – na nagbabawal sa mga doctor na magreseta ng mga gamot bilang kapalit ng matatangap na mga regalo. Sa ganitong pamamaraan, magkakaroon ng takot ang mga Pharma companies, habang mapipilitana ng mga doctor na ireseta ang gamit na tugma at murang gamot ba tunay na makabubuti sa mga pasyente, partikular sa mahihirap anting kababaya.
Muli, nalalagay sa masinsin na pagbabantay ang Bell-Kenz’s network at sa mata ng taong-bayan naghihintay na ang kasagutan at katotohanan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com