ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
PORMAL na inilunsad ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang infomercial na “Bagong Pilipino, Tara, Nood Tayo!” isang pambansang kampanya ng pamahalaan para hikayatin ang mga Filipino na suportahan ang mga lokal na pelikula at programang pangtelebisyon.
Pinangunahan ito mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasama ang Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at ang buong Unang Pamilya.
Tiniyak ng Pangulo ang suporta ng administrasyon sa industriya ng pelikula at telebisyon.
“Kasama ang pribadong sektor, kaisa ninyo ako, ang aking pamilya at ang ating pamahalaan sa pagtangkilik sa pelikulang Filipino at mga programang pangtelebisyon, dahil ang bagong Filipino ay ipinagmamalaki ang kuwentong Pilipino,” sabi ng Pangulo.
Nagpasalamat naman si MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto sa pangulo, unang pamilya at ang industriya ng pelikula at telebisyon sa matibay na pagsuporta sa kampanya.
“Ang kampanyang ito ay sumasalamin sa ating sama-samang hangarin na itaguyod ang industriya ng pelikula at telebisyon habang isinusulong ang responsableng panonood sa pamilyang Filipino,” sabi ni Sotto.
Ibinahagi rin ng mga pangunahing network executives mula sa GMA, ABS-CBN, TV5 at ALLTV kung paano naging bahagi na ng bawat pamilyang Filipino ang mga palabas at pelikulang Filipino.
“Ang telebisyon at ang mga sinehan ay nagsisilbi ring pangalawa nating tahanan,” sabi ni AMBS-ALLTV President Maribeth Tolentino.
“Nanonood tayo ng mga programa dahil ayaw nating nagpapahuli sa balita at kuwentuhan,” sabi ni TV5 President and CEO Guido Zaballero.
“Invested tayo sa mga karakter na pinapanood natin na parang mga tunay na tao sa totoong buhay,” dagdag ni GMA Network Inc. Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes.
“More than just a memory of a happy story, we have invested ourselves in the characters of our TV shows and movies, at sa bawat karakter na kinakapitan natin, sila ay nagiging bahagi ng ating pamilya,” sabi naman ni ABS-CBN Corporation President and CEO Carlo Katigbak.
Ipinaalala ng multi-awarded director na si Cathy Garcia-Sampana na ang mga pelikula at teleserye ay “repleksiyon ng ating pagka-Pilipino,” habang binigyang-diin nina box-office stars Kathryn Bernardo at Alden Richards ang pagiging totoo at pagiging inklusibo ng ating industriya.
“Ito ang industriyang maituturing nating totoo at sariling atin,” sabi ni Bernardo. “Ang tunay na bida ng ating mga pelikula at telebisyon ay ikaw at ako, tayong mga Filipino,” dagdag ni Richards.
Ibinahagi rin ng mag-asawang Judy Ann Santos-Agoncillo at Ryan Agoncillo na ang telebisyon at pelikula ay nagsisilbing “ikalawang tahanan ng pamilyang Filipino.”
Samantala, sina Piolo Pascual, Coco Martin at Vic Sotto, bilang mga aktor at producer, ay umaasa sa mas masiglang industriya para sa susunod na henerasyon.
Nagpahayag naman ng katiyakan ang mga opisyal ng SM Supermalls, Ayala Mall at Robinsons na mananatiling buhay at maganda ang karanasan ng mga manonood sa sinehan.
“We are guided by the fact na ang pagpunta sa sinehan ay isang nominal experience,” sabi ni SM Supermalls President Steven Tan.
“We will make sure watching movies at cinemas is always a fantastic experience para sa lahat at palaging parte ng masasaya nating alaala,” saad ni Robinson Land Corporation Executive Vice President Faraday Go.
“And we honor the movie viewers by ensuring na ang mga sinehan will always represent a happy experience sa bawat manonood,” dagdag ni Ayala Mall Asset Management Head Jose Ramon Katipunan.
Binigyang-diin din nina Regal Entertainment President and CEO Roselle Monteverde at VIVA Communications Inc. President Vincent del Rosario na ang panonood ng pelikula kasama ang pamilya ay nananatiling isang masayang karanasan ng mga Filipino.
Naipalabas ang “Bagong Pilipino, Tara, Nood Tayo!” infomercial sa buong bansa sa pamamagitan ng tradisyonal at digital na plataporma kabilang ang mga sinehan, at naabot ang milyon-milyong manonood. Sa matibay na suporta ng pamahalaan at pakikipagtulungan ng mga TV network, filmmakers, producers, artista, at iba pang nasa industriya, ang kampanya ay nagsilbing isang pagdiriwang ng malikhaing talento at kakayahang magkuwento ng mga Filipino.
Binigyang-diin ni Sotto na patuloy ang dedikasyon ng Board na maprotektahan ang mga manonood, lalo na ang mga bata, mula sa posibleng mapanganib na palabas, habang sinusuportahan ang masining na paglikha sa bansa.
Sa pagsasama-sama ng publiko at pribadong sektor, malinaw ang panawagan: “Bagong Pilipino, Tara, Nood Tayo!”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com