INARESTO ng pulisya ang isang magsasaka matapos madiskubre na ito ay nag-iingat ng hindi lisensiyadong baril at iligal na droga sa kanyang bahay sa Maria Aurora, lalawigan ng Aurora kamakalawa.
Sa ulat na ipinadala kay Police Regional Office 3 Director PBGeneral Ponce Rogelio I. Peñones Jr., ipinatupad ang search warrant sa Brgy. Malasin, Maria Aurora kung saan naaresto ang suspek na isang magsasaka.
Magkatuwang na ipinatupad ang search warrant ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit-Aurora Police Provincial Office (PIU-APPO) na sinuportahan ng Maria Aurora MPS, 1st PMFC, PDEU at IOS RID3 na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Nakumpiska sa pag-iingat ng suspek ang isang caliber .45 pistol na may magazine at bala, gayundin ang heat-sealed sachet ng shabu na may timbang na humigit-kumulang sa 20 gramo at tinatayang may halagang PhP136, 000.
Sinasabing para hindi mabulgar ang kanyang operasyon sa pagtutulak ng iligal na droga ay ginawang front ng suspek ang pagsasaka bukod sa ito ay kilalang adik sa lugar.
Nakatakdang sampahan ang suspek ng mga kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms, Ammunitions, and Explosives; at RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com