NADAKIP ang dalawang lalaking hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buybust operation ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bulacan Provincial Office sa loob ng isang kilalang fast food chain sa Barangay 72, sa lungsod ng Calooocan nitong Sabado ng hapon, 6 Setyembre.
Sa ikinasang patibong at transaksiyon kung saan nagpanggap ang isang ahente ng PDEA bilang poseur buyer, nakumpiska ang tinatayang P680,000 halaga ng hinihinalang shabu.
Sa ulat mula sa team leader ng PDEA Bulacan Provincial Office, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas Alex, 34 anyos; at alyas DenDen, 34 anyos.
Narekober ng operating team ang dalawang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 100 gramo ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P680,000, at ang marked money na ginamit ng undercover na ahente ng PDEA.
Isasailalim sa forensic examination sa PDEA RO3 laboratory ang mga nakumpiskang ebidensiya habang pansamantalang nakakulong ang mga nahuling suspek sa jail facility ng ahensya sa San Fernando, Pampanga.
Dahil madulas ang mga suspek ay nagtuwang sa operasyon ang PDEA National Capital Region-Northern District Office at PNP Drug Enforcement Group.
Kasalukuyan nang inihahanda ang mga kasong paglabag sa ng Section 5 (sale of dangerous drugs), na may kaugnayan sa Section 26B (conspiracy to sell), ng RA 9165 na isasampa sa korte laban sa mga suspek.
Ang paglabag sa Section 5 ng RA 9165 ay may parusang habambuhay na pagkakabilanggo at multa mula P500,000 hanggang P10,000,000. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com