INARESTO ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos ireklamo ng mga kabarangay ng pagbabanta at panunutok ng baril sa Brgy. Batia, sa bayan ng Bocaue, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado ng gabi, 6 Setyembre.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Virgilio Ramirez, hepe ng Bocaue MPS, kinilala ang suspek na si alyas Boy Shotgun, 38 anyos, at residente ng nasabing barangay, na dinakip habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak.
Naaktuhan ng mga operatiba ang suspek sa labas ng kaniyang bahay habang may dalang shotgun at iwinawasiwas habang nagbababanta at nanunutok sa mga kapitbahay.
Ayon sa mga nakasaksi, dalawang biktima ang tinutukan ng suspek ng shotgun nang walang dahilan ngunit nakaiwas at agad na nakahingi ng tulong sa barangay tanod.
Agad na nakipag-ugnayan ang mga tanod sa mga nagpapatrulyang pulis na rumesponde at nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Narekober mula sa kaniyang pag-iingat ang isang shotgun na may marking na Squires Bingham at Serial No. 879870, isang kulay rosas na coin purse na naglalaman ng isang buhay na bala ng cal. 9mm, at isang BIR ID at driver’s license.
Minarkahan ang mga nakuhang piraso ng ebidensya sa harap ng suspek, isang halal na opisyal ng barangay, at isa sa mga biktima.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Bocaue MPS ang suspek para sa dokumentasyon at tamang disposisyon habang inihahanda na ang pagsasampa ng kasong Grave Threat at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Ang Bulacan PPO, sa pangunguna ni P/Col. Angel Garcillano, ay patuloy na nagsasagawa ng pinaigting na operasyon laban sa mga iresponsableng indibidwal na gumagamit ng baril upang matiyak ang kapayapaan at kaligtasan ng mga mamamayan ng Bulacan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com