ITINURO ng SYMS Construction si former Assistant District Engineer Bryce Erickson Hernandez na kanyang pinagbigyan ng P1 bilyong komisyon mula sa mga ghost projects na kanilang ginagawa sa lalawigan ng Bulacan.
Sa Senate Blue Ribbon Committee hearing, tahasang itinuro ni Sally Santos ng SYMS Construction Trading, na ang katransaksiyon lamang niya sa mga ghost project ay sina Hernandez at ang dating 1st District Engineering Office Construction Section Chief na si Jaypee Mendoza.
Sinabi ni Santos na ang nagiging sistema ay ipinakontrata sa kanila ng Wawao Builders ang natukoy na proyekto ayon sa direktiba nina Hernandez at Mendoza matapos magpahiram ng lisensiya.
Pagkatapos nang lahat ng proseso, pumapasok ang bayad ng gobyermo sa Wawao Builders na siya namang magdedeposito sa bank account ng SYMS.
Mula sa SYMS account, ilalabas umano ni Santos ang pera na ang huli ay nagkakahalaga ng P245 milyon para dalhin sa opisina ni Hernandez na nakalagay sa iba’t ibang kahon ng noodles at mga sitsirya.
Kinompirma rin ni Santos na hindi niya nakatransaksiyon si former Disrict Engineer Henry Alcantara sa paggawa ng mga guni-guning proyekto.
Inamin ni Santos na umaabot sa P1 bilyon ang nai-deliver niya kay Hernandez mula taong 2022 hanggang 2025.
“Inaamin ko po na nagkaroon ako ng pagkukulang at sobrang pagtitiwala sa aking mga tauhan dahil huli ko na nalaman ang kanilang mga guni-guni project. Dumarating po sa akin ang lahat ng mga dokumento na pirmado na nila Bryce, ng Construction Chief, ng Project Engineer at ng lahat ng mga taong dapat pumirma. Ministerial lang po sa bahagi ko ang pagpirma, wala po talaga akong alam sa ginawa nilang kalokohan,” sabi ni Alcantara sa kanyang pahayag sa senado.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Alcantara na mataas ang kanyang kompiyansang lalabas ang katotohanan sa bandang huli matapos ang testimonya ng SYMS Construction at ng Wawao Builders na nagkokompirmang wala siyang kinalaman sa transaksiyon kina former Assistant District Engineer Hernandez at former Construction Section Chief Mendoza.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com