Friday , December 5 2025
https://www.facebook.com/bingoplusph
Ping Lacson Manuel Bonoan

Lacson ‘ibinuking’ sosyohan sa kontrata ng ex-DPWH chief, usec., at Pampanga mayor

ni NIÑO ACLAN

LUMALABAS na bahagi ng negosyo ng pamilya na may malalaking kontrata sa Pampanga si nagbitiw na Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Martes.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Lacson na si Fatima Gay Bonoan-Dela Cruz, anak ni Bonoan, ang treasurer ng MBB Global Properties Corp. na pagmamay-ari ng pamilya ni Candaba Mayor Rene Maglanque.

“Kaya naman pala ang palaging depensa ni dating DPWH Secretary Bonoan – isolated case lang daw ang nakita ni Pangulong Bongbong Marcos na ghost project sa Bulacan. Ayaw na siguro ni Bonoan na maungkat pa sa imbestigasyon ang Globalcrete,” ani Lacson.

Dagdag ni Lacson, si Mayor Maglanque ang patriarka ng pamilyang Maglanque na may-ari ng Globalcrete Builders, isang kontratista na kumubra ng P2.195 bilyong halaga ng flood control projects mula 2018 hanggang 2024 sa Bulacan pa lamang.

Noong 2024, si Maglanque ang presidente ng Globalcrete at siya mismo ang lumagda sa ilang kontrata kahit dapat ay nag-divest siya.

Pagmamay-ari rin ng pamilya Maglanque ang MBB Global Properties Corp., na siyang nagmamay-ari ng halos P1-bilyong Wyndham Garden Hotel sa Clark, Pampanga. Batay sa 2024 General Information Sheet ng MBB, si Macy Monique Maglanque ang presidente ng kompanya; si Sunshine M. Bernardo ang corporate secretary; at si Bonoan-Dela Cruz ang treasurer.

Dagdag ni Lacson, ang inisyal ng kompanya na MBB ay nangangahulugang Maglanque, Bernardo, Bonoan. Si Bernardo, ang corporate secretary, ay anak ni DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na nag-early retirement matapos masangkot sa isyu ng flood control, habang si Macy ay anak ng alkalde.

“Kayo na po ang mag-‘connect the dots,’” ani Lacson.

Sa parehong talumpati, inilantad din ni Lacson ang tinawag na “casino spree” ng mga BGC Boys o Bulacan Group of Contractors na sina tinanggal na DPWH Region 4A OIC assistant regional director at dating Bulacan district engineer Henry Alcantara na gumamit ng alyas na Joseph Castro Villegas sa casino; Bulacan OIC District Engineer Brice Ericson Hernandez, gamit ang alyas na Marvin Santos de Guzman; Assistant District Engineer Jaypee Mendoza, gamit ang alyas na Peejay Asuncion; DPWH Engineer II Arjay Domasig, na nagpakilalang contractor ng SYMS Trading Corp., gamit ang alyas na Sandro Bernardo Park; at Edrick San Diego, gumamit ng sariling pangalan.

Ayon kay Lacson, isinumite ng kanyang opisina ang mga pangalan at alyas ng mga nabanggit sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) dahil saklaw ng inamyendahang Anti-Money Laundering Act ang mga casino.

Ipinakita rin ni Lacson ang mga papeles kaugnay ng flood control contracts sa Bulacan na tila ‘minadali’ ang ulat na kompleto na, pati paggamit ng magkakaparehong retrato sa progress billings na inaprobahan para bayaran nina Hernandez at Alcantara.

“Trabahong tamad para sa trabahong gahaman, Mr. President,” ani Lacson, na nagrekomenda na dapat habambuhay nang ma-blacklist ang kontratistang Syms Construction.

Binigyang-diin din ng Senador ang kaso ng Wawao Builders, na ang mga dokumento ay nagpapakita na natapos umano ang kalahati ng dalawang proyekto sa loob ng pitong araw, at ang natitirang kalahati sa apat na buwan lamang.

“Kawawao na kawawao talaga ang mga Filipino sa Wawao Builders,” aniya.

Ayon kay Lacson, panahon na para kumilos hindi gamit ang quick fixes o band-aid solutions, kundi para linisin ang DPWH sa katiwalian, lalo’t nagpapatuloy ang imbestigasyon sa parehong kapulungan ng Kongreso at patuloy na matatag ang paninindigan ng Pangulo laban dito.

“We are on the right trajectory in getting to the bottom of this systemic rot and punishing to the fullest extent of the law those who have corrupted us,” aniya, sabay banggit ng mga sumusunod na hakbang:

Gamitin ang oversight functions ng Senado para makatulong sa pag-usig sa mga sangkot;

Pagsasampa ng kasong kriminal, kabilang ang paglabag sa Article 217 kaugnay ng Articles 48 at 171 par. 4 ng Revised Penal Code o malversation through falsification of public documents dahil sa paggamit ng peke at dinoktor na retrato sa progress billings na kalaunan ay kinompirma ng DPWH officials;

Pag-usig sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act;

Pagsasampa ng kaso sa ilalim ng R.A. 7080 o Anti-Plunder Law;

Pag-usig sa ‘BGC Boys’ dahil sa paggamit ng pekeng pangalan o alyas sa mga casino – malinaw na paglabag sa Article 178 ng Revised Penal Code;

Pag-usig dahil sa paglabag sa section 31, article II ng R.A. 4136, na tahasang nagbabawal sa paggawa, paggamit, o pag-iingat ng pekeng lisensiya na ginaya mula sa LTO;

Pag-usig dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 1869; R.A. 6713, at iba’t ibang memorandum circulars, na nagbabawal at nagpaparusa sa mga opisyal ng gobyerno sa pagpasok at lalo na sa paglalaro sa casino.

Dagdag ni Lacson, malinaw na nilabag ng mga “big-time gamblers” ang Anti-Money Laundering Act dahil ginamit ang perang galing sa katiwalian at plunder para bumili ng casino chips at i-cash out matapos ang kaunting laro, upang itago ang tunay na pinagmulan ng pondo.

Hinikayat niya ang Anti-Money Laundering Council na i-freeze ang mga bank account ng mga nasabing indibiduwal at isampa ang kaukulang kaso laban sa kanila.

Isinusulong ang mga kasong administratibo laban sa mga tiwaling opisyal ng DPWH, kabilang ang grave misconduct, serious dishonesty, gross neglect of duty, at/o conduct prejudicial to the best interest of the service, paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at sa Code of Conduct na saklaw ng Professional Regulation Commission (PRC).

Mga Reporma sa Batas

Bukod sa pagpapanagot, isinusulong din ni Lacson ang mga repormang pambatas upang maiwasang maulit ang ganitong mga gawain. “Our goal is not only punitive, but also preventive. We do it through reforms in our legislation,” aniya.

Kabilang dito ang: Amyenda sa R.A. 4566, na inamyendahan ng P.D. No. 1746 o Contractors’ License Law, upang gawing permanente at ganap ang pagbabawal sa mga blacklisted contractors na sangkot sa ghost at substandard projects, at mas mataas na parusa para sa conflicts of interest na dulot ng magkakaugnay na posisyon sa iisang industriya o negosyo;

Amyenda para taasan ang parusa sa conflicts of interest, lalo sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na kumikilos din bilang kontratista sa ilalim ng Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees);

Mga inisyatiba para sa transparency sa proseso ng budget at dagdag na pananagutan sa pagpaplano at pagbuo ng infrastructure projects. Kung walang detailed architectural and engineering design (DAED), hindi dapat pondohan ang proyekto. Dapat din ilathala ng DPWH ang DAED, Program of Works, at Detailed Unit Price Analysis (DUPA).

Samantala, hinimok ni Lacson ang taongbayan na magsalita at huwag mawalan ng pag-asa, dahil ang pagiging negatibo ay “lalo lamang nagpapalakas ng loob ng mga nagnakaw ng pinaghirapang buwis ng taumbayan.”

“Mr. President, these people have reduced the lives of our flood-stricken countrymen into living hell. It is time to give them what they rightly deserve,” pagtatapos ni Lacson.

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About hataw tabloid

Check Also

Bulacan Police PNP

11 timbog sa drug bust sa Bulacan

MATAGUMPAY na naaresto ng mga awtoridad ang 11 indibidwal na sangkot sa ilegal na droga …

Arrest Shabu

Sa Sta. Maria, Bulacan
P3-M shabu nasamsam, HVI tiklo

ARESTADO ang isang lalaking nakatala bilang high value individual sa ilegal na droga habang tinatayang …

DA‑4K NFA Rice IP Occidental Mindoro

Rice-Procurement Partnership ng mga magsasakang IP at ng pamahalaan, inilunsad

ISANG makasaysayang partnership ang inilunsad kamakailan upang isama ang Indigenous People (IP) usa local rice …

Porac Pampanga

Porac, Pampanga Mayor Capil sumuko nagpiyansa ng P.63-M para sa kasong graft

SUMUKO si Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil nitong Martes, 2 Disyembre, sa Pasig City RTC …

Nag-alok ng droga binoga babaeng tulak tigbak sa Antipolo

Sa Antipolo
Nag-alok ng droga binoga babaeng tulak tigbak

PATAY ang isang babae matapos barilin ng lalaking sinabing inalok niyang bumili ng ilegal na …