SAMPUNG wanted na indibidwal, kabilang ang Top 2 Most Wanted Person sa municipal level ang naaresto sa pinaigting na manhunt operations na isinagawa ng pulisya sa Bulacan hanggang kahapon.
Sa ulat ni Police Lt. Colonel Jerome Jay S. Ragonton, hepe ng Plaridel MPS, naaresto ang Top 2 MWP (Municipal Level) ng Plaridel, 65 anyos, dakong alas-8:30 ng gabi nitong Setyembre 3, 2025 sa Brgy. Sipat, Plaridel.
Dinakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa mga kasong Lascivious Conduct at dalawang kaso ng rape na inilabas ng RTC, Malolos, kung saan walang inirekomendang piyansa.
Sa kaparehong operasyon, nagsagawa rin ng manhunt operations ang tracker teams ng Marilao, Meycauayan, Norzagaray, Baliwag, at Malolos C/MPS, kasama ang Bulacan 1st at 2nd Provincial Mobile Force Company, na nagresulta sa pagkakaaresto ng siyam pang wanted persons.
Ang mga naarestong akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya at isasailalim sa tamang disposisyon sa kinauukulang korte.
Ang serye ng mga operasyon ng Bulacan PPO sa pangunguna ni Provincial Director PColonel Angel L. Garcillano at sa ilalim ng pamumuno ni PBGeneral Ponce Rogelio I. Peñones Jr., regional Director ng PRO 3, ay patunay ng kanilang matibay na paninindigan sa paglaban sa kriminalidad at sa pagtugis sa mga wanted na indibidwal. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com