SA sunod-sunod na pinaigting na manhunt operation ng Bulacan Police Provincial Office, limang indibidwal na may mga kinakaharap na kasong kriminal kabilang ang tatlong most wanted person ang naaresto sa lalawigan kamakalawa.
Batay sa unang ulat ni PLt. Colonel Aldrin O. Thompson, hepe ng Hagonoy MPS, dakong alas-8:10 ng gabi sa Brgy. Sto. Niño, Hagonoy, Bulacan, naaresto ng tracker team ang Top 8 Provincial Most Wanted na si alyas Jomar, 33 taong gulang, residente ng Brgy. Tampok, Hagonoy.
Si alyas Jomar ay naaresto sa bisa ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165, Sec. 5) na inilabas ni Judge Roland Dennis Gregorio Molina, presiding judge ng RTC Branch 8, Malolos City, Bulacan.
Bukod pa rito, nahaharap din ang akusado sa kasong Direct Assault sa ilalim ng Criminal Case No. HGN 25-023 na may warrant of arrest na inilabas ni Judge Bienvenido Binasal Almonte Jr., acting presiding judge ng MTC Hagonoy, Bulacan.
Sa ikalawang ulat ni PLt. Colonel Voltaire C. Rivera, hepe ng Sta. Maria MPS, dakong alas-3:10 ng hapon sa Brgy. Bulac, Sta. Maria, Bulacan, naaresto ang Top 10 Provincial Most Wanted na si alyas Wil, 36 taong gulang, driver, residente ng Brgy. Bulac, Sta. Maria.
Si alyas Wil ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong paglabag sa RA 9165 sa ilalim ng Criminal Case No. 6916-M-2022 na may inirekomendang piyansa na Php400,000.00, na inilabas ni Judge Elenita N.E. Macatangay-Alvar, presiding judge ng RTC Branch 121, Meycauayan City, Bulacan.
Sa kabilang banda, iniulat naman ni PLt.Colonel Leopoldo L Estorque Jr, acting chief of police ng Calumpit MPS, ang pagkakaaresto kay alyas Lito, isang Top 4 Municipal Most Wanted at residente ng Brgy. Tampok, Hagonoy, Bulacan, dakong alas-11:25 ng umaga sa Brgy. Caniogan, Calumpit, Bulacan.
Si alyas Lito ay naaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Acts of Lasciviousness in Relation to RA 7610 at RA 11648 sa ilalim ng Criminal Case No. 4412-M-2025, na inilabas ni Judge Theresa Genevieve N. Co, presiding judge ng RTC Branch 17, Malolos City, Bulacan.
Dagdag pa rito, dalawa pang wanted persons ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng tracker team ng Pandi at Bocaue MPS.
Ang lahat ng mga naarestong suspek ay nasa kustodiya ng kani-kanilang mga istasyon ng pulisya para sa dokumentasyon at nakatakdang iharap sa korte ng pinagmulan ng kaso para sa kaukulang disposisyon.
Sa matatag na pamumuno ni PColonel Angel L Garcillano, provincial director ng Bulacan PNP, walang humpay ang pinaigting na operasyon laban sa mga most wanted persons at iba pang may kinakaharap na kasong kriminal sa lalawigan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com