BILANG bahagi ng inaabangang selebrasyon ng Singkaban Festival 2025, inanunsiyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office (PHACTO), ang opisyal na listahan ng mga dokumentaryong pelikula at iskedyul ng pagpapalabas para sa SINElik6 Bulacan DocuFest, isang pagdiriwang ng kulturang Bulakenyo sa pamamagitan ng sining pampelikula.
Magaganap ang film festival sa Tanghalang Nicanor Abelardo, Hiyas ng Bulacan Cultural Center mula Setyembre 2-3, tampok ang iba’t ibang kuwento mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Sa Setyembre 2, 10 dokumentaryo mula sa mahuhusay na Bulakenyong mamemelikula ang ipalalabas, kabilang ang Singkaban: Ang Indak ng Makulay at Makasaysayang Kulturang Bulakenyo (8:00 NU), Indak sa Patronang Dalisay: Sayaw Panalangin, Indayog ng Paghiling (8:45 NU), Ang Paglalayag: Alon ng Debosyon (9:30 NU), Suguran: Indayog ng Kapayapaan (10:30 NU), Biyaheng Bulak: Pistang Bulak ng San Ildefonso (11:15 NU), Guinto’t Punso: Ang Halamanan Festival ng Guiguinto (1:00 NH), Agos: Pagpapanhik ng Poong Pinipintuho (1:45 NH), Kapistahan ni San Miguel de Mayumo: Ang Kalasag ng Pananampalataya (2:30 NH), Maghapong Nagpuputukan, Di Naman Nagkakamatayan: Historikong Yugto sa Pista ng Chicharon ng Santa Maria, Bulacan (3:30 NH), at Nilalang Sumbalilo ng Kasaysayan: Buntal Hat Festival ng Baliwag (4:15 NH).
Samantala, sa Setyembre 3, pitong dokumentaryong pelikula naman ang itatampok kabilang ang Mina Masa Asa sa Minasa Festival (8:00 NU), Pagoda: Gunita at Panata sa Muling Paglalayag ng Pagoda ng Krus ng Wawa (8:45 NU), Mga Anghel sa Lupa (9:30 AM), Tagpo: Salubong Festival (10:30 NU), Lakambakod: Pista ng Lumuluhod na Kalabaw ng Pulilan (11:15 NU), Pagdi Ba Malaya: Ang Pista ng Bawat Pilipino (1:00 NH), at Bawal Humipo Ang Mga Lalaki (1:45 NH).
Dahil limitado lamang ang bilang ng mga upuan, kinakailangang magparehistro ang mga nais manood gamit ang Google Forms na makikita sa Sineliksik Bulacan Facebook page.
“Para sa mga nagnanais manood, kailangan lamang mag-register sa Google Forms ng mga ipalalabas na Docufilm. Ipinapaalala na limitado lamang ang slots. Matapos mai-submit ang form, awtomatiko nang maaaring dumalo sa Premiere Showing ng naturang Docufilm. Kung hindi na tumatanggap ng response ang Google Form, nangangahulugang puno na ang slots sa nasabing palabas,” ayon sa anunsiyo.
Samantala, nakatakdang ganapin ang eksibit at seremonya ng paggagawad ng pagkilala sa Setyembre 9, ganap na alas-5:00 ng hapon sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, sa Lungsod ng Malolos. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com