NADAKIP ang isang suspek sa pang-aagaw ng motorsiklo matapos mahuli sa aktong paggamit nito sa Brgy. Tibag, lungsod ng Baliwag, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo, 31 Agosto.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Jayson San Pedro, hepe ng Baliwag CPS, ipinarada at iniwang walang bantay ng biktima ang kaniyang motorsiklong Yamaha Mio Sporty sa harap ng kanilang tindahan.
Kalaunan, isang lalaki na kinilalang si alyas Raf ang nakitang nagmamasid sa nasabing motorsiklo at kinuha ito matapos mapansing nakalagay pa ang susi.
Nang maberipika sa CCTV, nakumpirma ang ginawang pagnanakaw ng suspek at sa tulong ng impormasyon mula sa kamag-anak ng biktima, natunton at nahuli ang suspek sa isang bingo boutique sa Brgy. Tibag habang at nasa kaniya pa rin ang nakaw na motorsiklo.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Baliwag CPS ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kasong isasampa sa Office of the Provincial Prosecutor sa nabanggit na lungsod.
Sa kanyang pahayag, pinuri ni P/Col. Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan PPO, ang maagap na aksyon ng mga pulis at komunidad sa pagtutulungan upang agad na maresolba ang insidente. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com