ARESTADO ang limang indibiwal matapos rumesponde ang mga awtoridad sa isang tawag sa telepono na nag-ulat ng kahina-hinalang aktibidad sa loob ng isang sementeryo sa bayan ng Talavera, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Linggo, 31 Agosto.
Sa ulat mula kay P/Col. Heryl Daguit Bruno, provincial director ng Nueva Ecija PPO, napag-alamanng pagdating ng mga operatiba sa Maestrang Kikay Public Cemetery dakong 3:30 ng madaling araw kahapon, nahuli nila sa akto ang limang lalaki habang nasa kainitan ng paghithit ng marijuana.
Dahil pawang bangag na, hindi na nagawang makatakas ng limang suspek na may edad 19, 49, 57 at dalawang nasa edad na 20 anyos, na bumabatak sa loob ng isang mausoleum sa sementeryo.
Narekober mula sa mga suspek ang ilang drug paraphernalia: isang improvised aluminum tooter, aluminum strip, dalawang disposable lighter, isang metal smoking pipe, at rolled aluminum foil.
Sa isinagawang body search, nakumpiska ng mga awtoridad ang isang heat-sealed plastic sachet ng hinihinalang shabu mula sa 49-anyos na suspek, at isang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana mula sa 23-anyos na suspek.
Inihahanda na ang reklamong kriminal para sa paglabag sa Section 11, 12 at 15, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com