ISANG babaeng drug den operator ang naaresto ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Bulacan Provincial sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Muzon South, San Jose del Monte City, Bulacan kamakalawa ng hapon..
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng humigit-kumulang Php 102,000.00 halaga ng shabu at pagkakadakip sa apat pang durugistang tulak.
Kinilala ng PDEA team leader ang pangunahing suspek na si alyas “Angie,” 46 taong gulang at residente ng Muzon South, SJDM City at kanyang mga kasabwat na sina alyas “Yael,” 44; alyas “Lyn, 32; alyas “Ed,” 37; at alyas “Ron,” 20.
Narekober ng mga awtoridad sa mga suspek ang limang plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 12 gramo ng shabu, na nagkakahalaga ng Php 102,000.00, iba’t ibang drug paraphernalia at ang marked money na ginamit ng undercover agent.
Ang mga nakumpiskang gamit ay isusumite para sa forensic examination sa PDEA RO3 laboratory habang pansamantalang nakakulong ang mga nahuling suspek sa PDEA jail facility sa City of San Fernando, Pampanga.
Ang joint operation ay isinagawa ng mga operatiba mula sa PDEA Bulacan at lokal na pulisya samantalang inihahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa mga kasabwat.
Si alyas “Angie” ay kakasuhan ng mga paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) at Section 6 (maintenance of a drug den) ng Comprehensive Dangerous Drugs Act, mga offenses na non-bailable at may parusang habambuhay na pagkakakulong at multa mula Php 500,000.00 hanggang Php 10 milyon. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com