DALAWANG lalaki na sangkot sa pangloloko at panlilinlang sa mga tinatarget na indibiduwal ang inaresto ng pulisya matapos mang-scam ng huli nilang biktima sa Gapan City, kamakalawa.
Ayon sa ulat mula kay PColonel Heryl “Daguit”” L. Bruno, provincial director ng Nueva Ecija PPO, nagreklamo ang isang 55-anyos na babaeng may-ari ng sari-sari store at residente ng Barangay Mahipon, Gapan City na nawalan siya ng Php 25,000 at Php 39,000 mula sa kanyang mobile wallet (G-Cash).
Ito ay matapos na ang isang grupo ng anim na hindi nakikilalang kalalakihan ay magsagawa ng sunod-sunod na transaksyon sa GCash ng biktima.
Ayon sa mga imbestigador, sunud-sunod ang modus ng mga suspek na gumawa ng ilang maliliit na cash-in transactions para malito ang biktima.
Habang abala ang biktima sa pag-asikaso sa kanila, isa sa mga suspek ang kumuha ng litrato sa screen ng kanyang cellphone nang may lumabas na security code (OTP).
Ang code na ito ay ginamit sa ibang pagkakataon upang mag-withdraw ng malaking halaga ng pera mula sa account ng biktima nang walang siyang pahintulot.
Matapos mapagtantong na-scam siya, ipinost ng biktima sa Facebook ang CCTV footage na nagpapakita sa mga lalaki sa habang nasa kanyang tindahan.
Kinalaunan, isang concerned citizen ang nakakita sa dalawa sa mga suspek sa bayan ng San Leonardo kaya inalerto ang mga opisyal ng barangay.
Dito na dinakip ng mga rumespondeng tanod ng Barangay Mallorca, San Leonardo ang dalawang suspek na positibong kinilala ng biktima sa mga tauhan ng San Leonardo MPS na sina alyas Jose, 23 at alyas Ed, 22, kapuwa residente ng Sampaloc, Maynila.
Itinurn-over ang mga suspek sa Gapan City PS habang inihahanda na ang mga kasong Estafa (Swindling) at paglabag sa RA 8484 (Access Devices Regulation Act of 1998) laban sa kanila samantalng tinutunton pa rin ng mga awtoridad ang ibang miyembro ng grupo na nananatiling nakalaya.
Kaugnay nito ay nagbabala si P/Colonel Bruno sa publiko, na lumalaganap ngayon ang mga scam sa e-wallet, kaya maging mapagmatyag ang lahat at agad na i-report sa pulisya ang anumang kahina-hinalang transaksyon upang maiwasang mabiktima ng mga may pakana na ito. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com