ARESTADO ang walong miyembro ng isang pamilya na pinaghihinalaang mga tulak ng iligal na droga sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Mabalacat City, Pampanga kamakalawa.
Nagsanib-puwersa ang mga ahente ng PDEA Pampanga at Mabalacat City Police Station sa Pampanga sa paglulunsad ng operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng walong suspek.
Ang operasyon ay ikinasa dakong alas-9:02 ng gabi. sa Barangay Dau, Mabalacat City kung saan naaresto ang mga suspek na kinilala ng hepe ng PDEA Pampanga Provincial Office na sina alyas Manny, 48, na siyang tumatayong drug den maintainer; alyas Gel, 52; alyas Chi, 54; alyas Ian, 33; alyas Kris, 55; alyas Lino,44; alyas Ely, 45; at lyas Inah, 27.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang kabuuang 12 piraso ng plastic transparent sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 18.77 gramo ng shabu, iba’t ibang drug paraphernalia, at ang marked money na ginamit ng undercover agent.
Ayon sa PDEA, nasa ilalim ng radar ng PDEA si alyas Manny at ang kanyang mga kasabwat na pamilya mula noong Hulyo 2025.
Pansamantalang ikukulong sa PDEA RO3 jail facility ang mga naarestong suspek, habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 para sa pagsasampa sa korte. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com