ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
KILALANG premyado at award-winning film director si Direk Carlo Alvarez ng mga pelikulang katulad ng ‘Kapalit’, ‘Manyak’, ‘Tres’, at ‘Parisukat’.
Ang ilan sa kanyang mga naidirehe ay nanalo pa sa mga international film festivals sa iba’t ibang dako ng mundo.
Sa kanyang bagong pelikulang pinamagatang ‘Work from Home’ (starring Beverly Benny, Zuher Bautista) sa ilalim ng NDM Studios production, isa na rin siyang resident-director ng kilalang independent film company.
Humakot ng parangal si Direk Carlo sa iba’t ibang film festivals sa abroad at sa bago niyang pelikula ay binigyan niya ng pagkakataon ang mga baguhan na umarte at makilala.
Pinondohan ni Direk Nijel de Mesa ang proyekto nito na Work from Home na tungkol sa isang babaeng may “agoraphobia”, isang karamdaman na takot ang isang tao na lumabas kasama ng madla o pumunta sa matataong lugar. (gagampanan ito ni Beverly Benny).
Makatatanggap ang babae ng tablet na may “virtual masked man” (na gagampanan ni Zuher Bautista) at magkakaroon sila ng isang kakaibang relasyon.
May iba’t iba pang nilulutong proyekto sina Direk Carlo kasama ang buong team ng NDM Studios. Hindi palasak at pang masa ang atake ng mga orihinal na kuwento nina Direk Nijel at Direk Carlo.
Tiyak na aabangan natin ang mga kakaibang kuwentong ihahandog ng NDM Originals sa mga susunod na buwan at sa 2026.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com