San Carlos, Pangasinan — Isang makulay na gabi ng musika at pasasalamat ang idinaos ng FPJ Panday Bayanihan Partylist sa San Carlos upang gunitain ang kaarawan ni Fernando Poe Jr. (FPJ) at ipagdiwang ang kanilang panalo.
Mahigit 1,000 lider mula sa iba’t ibang panig ng Pangasinan ang nakiisa sa pagtitipon.
Buong puso ang pasasalamat ni Rep. Brian Poe sa kanyang mga kababayan, at ipinahayag ang kanyang pagmamalaki sa pinagmulan niyang bayan.
“Nakatataba ng puso dahil tuwing nakikita ako ng mga kasama ko sa Kongreso, sinasabi nila, ‘Ayan si Congressman Brian Poe, taga-San Carlos ’yan.’”
Dagdag niya, hindi siya titigil sa pagtupad ng kanyang mga pangako. Patunay dito ang mabilis na pagtugon ng FPJ Panday Bayanihan sa huling kalamidad, kung kailan agad nilang isinagawa ang relief operations at pamamahagi ng ayuda.
“Dahil sa inyo, nagkaroon ako ng pagkakataon na ipagpatuloy ang legasiya ni FPJ,” wika ni Poe.
Hindi napigil ng ulan ang mga taga-Pangasinan, lalo ang mga kapitbahay ni Poe mula Barangay Palaming at mga kaanak mula Barangay Caoayan-Kiling, upang ipakita ang kanilang buong suporta.
Ang Pamilyang Poe ay may malalim na ugat sa San Carlos. Sa buong Pangasinan, tanging FPJ Panday Bayanihan Partylist ang nakapagtala ng higit 50,000 boto at nakakuha ng mahigit kalahating milyong boto sa buong bansa.
Sa Kongreso, kilala si Rep. Poe bilang aktibong tagapagtulak ng programang pang-agrikultura, masugid na sumusuporta sa mga mangingisdang lumalaban sa ilegal na droga, at masigasig na kaalyado sa kampanya laban sa human trafficking. Kaya naman tinagurian na siya ngayon bilang “Pride of Pangasinan.” (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com