ARESTADO ang tatlong bigtime drug peddlers na pinaniniwalaang sangkot sa bulk distribution ng shabu na nauwi din sa pagkakakumpiska ng humigit-kumulang 200 gramo ng hinihinalang shabu kasunod ng ikinasang buybust operation sa Brgy. Sto. Cristo, sa bayan ng Pulilan, lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles ng gabi, 20 Agosto.
Kinilala ng hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bulacan ang mga naarestong suspek na sina alyas Nono, 38 anyos; alyas Yam, 41 anyos; at alyas Jojo, 38 anyos.
Narekober ng operating team ang apat na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 200 gramo ng hinihinalang shabu, dalawang smartphone, isang unit ng Mitsubishi Expander, at ang markadong unit na ginamit ng isang undercover na ahente ng PDEA.
Sinabi ng PDEA team leader na ang matagumpay na operasyon ay bunga ng isang buwang casing at surveillance laban sa mga suspek na bulto-bulto kung magbenta ng ilegal na droga.
Isasailalim sa forensic analysis sa PDEA RO3 laboratory ang mga nakumpiskang illegal substance, habang pansamantalang ikukulong ang mga nahuling suspek sa PDEA RO3 jail facility sa San Fernando, Pampanga.
Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa section 5 (sale of dangerous drugs), kaugnay ng section 26B (conspiracy to sell) ng RA 9165, isang non-bailable offense.
Kapag napatunayang nagkasala, ang mga suspek ay maaring maharap sa habambuhay na pagkakakulong at multa mula P500,000 hanggang P10 milyon. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com