ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ISANG-DOSENANG bagets ang bumubuo sa bagong P-Pop boy group na Aster. Sila ay kinabibilangan nina Kean, Charlie, Tatin, Gee, Alas, Laurence, Wayne, Loyd, Kiel, Gem, Miguel, at Cray.
Ginanap ang launching ng kanilang full-length album titled ‘Talayag’ sa Viva Cafe last week.
Lahat ng album tracks ay composed and arranged ng mga member ng Aster. Ang titulo ng album na ‘Talayag’ ay mula sa pinaghalong Filipino words na ‘Tala’ (star) at ‘Layag’ (sail). Ito ay hinggil sa paglalakbay ng grupo sa kanilang mga pangarap sa buhay.
Ang Aster is a rising 12-member P-pop group na nasa pangangalaga ng AsterisK Entertainment. May ibubuga sa kantahan at sayawan ang mga bagets na ito. Actually, magaganda ang timbre ng kanilang boses, pati na kapag sama-sama sila, astig ang blending ng grupo.
Ang pangalang Aster ay galing sa kanilang kompanya, ang Asterisk na ang kahulugan ay ‘a small star’.
Ang debut single nilang ‘Bingo’ ay inilabas noong July 7, 2024 at na-release naman ang official music video nito last July 21, 2024. Bago ang album nila, ang pinakahuling nila ay ang ‘A Sstar’ which was released last December 7, 2024.
Sinungkit ng grupo ang New Artist of the Year sa 9TH PPOP Music Awards and Promising Male PPOP Group from both Asia’s Pinnacle Award at sa Saludo Excellence Awards 2024.
Nagpahayag nang sobrang kasiyahan ang 12 member na boy group sa kanilang album launching.
Pahayag ni Wayne, bilang sentimyento ng kanilang grupo, “It’s a cliche kung sasabihin na happy kami, but it’s true, sobrang saya po namin, it is a dream come true for us all.”
Sinabi ng grupo na wala silang intensiyong makipagkompitensiya sa kanino mang P-Pop group at inspirasyon nila ang mga tulad ng grupong SB19.
Saad ni Kean, “Marami na rin po kaming na-experience na kanya-kanyang heartbreaks and I think madadala po namin iyon sa journey namin.
“We understand that it will take time for us to carve out our own place in the music industry, but we will do our best and be ourselves to get there. There is room for everyone.”
Sa palagay nila, ano ang mayroon sa Aster sa P-Pop industry na tatatak sa music fans?
Sagot ni Kean, “Ang Aster po kasi is a self-produced group and management. Lahat po nang gusto naming ilabas, galing po talaga sa amin. From music, from composing, from song writing to dance, pati yung contents and all, gusto po namin na lahat ay galing sa amin.
“Kaya siguro kung may maipagmamalaki po ako sa buong mundo, siguro iyong strength ng Aster, na ang Aster ay makers ng arts na inilalabas po namin.”
Dagdag pa niya, “Sana malaman ng tao na we have only one goal and that is to promote people, to promote our excellence, music, art, and culture po.”
Sino ang P-Pop group na wish nilang maka-collab kung magkaka-concert sila?
Esplika ni Aster Miguel, “Ako po, lahat ng puwedeng P-Pop, kahit na sino’ng P-Pop po, basta…Kasi, ngayon po ang goal namin ay umangat iyong P-Pop and sama-sama po kaming umangat. Kasi, P-Pop rise po tayo.
“Lahat-lahat talaga, isipin nyo guys, isang stage, tapos maraming P-Pop, nakakatuwa iyon,” nakangiting sambit pa niya.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com