BINALAAN ng Philippine National Police (PNP) ang mga vlogger at content creator na huwag magpakalat ng mga video clip lalo ng mga gawa-gawang scenario partikular ang krimen, aksidente at iba pa, para palabasing totoo sa publiko.
Ang babala ni PNP Chief, PGen. Nicolas Torre III ay bunsod ng pagkalat sa social media ng ilang video clips gaya ng nangyari sa Cebu na pinalabas na holdapan sa bus at mayroon pang gawa-gawang suntukan.
Isa pa sa inihalimbawa ni Torre ang kumalat na video hinggil sa kidnap prank, may ilang taon na ang nakalilipas.
Ayon sa PNP Chief, bagaman iginagalang nila ang kalayaan sa pamamahayag pero aniya ang mga ganitong materyal ay nagdudulot ng matinding takot, pangamba at nakapipinsala sa kabuhayan ng publiko.
Kasabay nito, umapela si Torre sa mga vlogger at content creator na maging responsable sa paglikha ng mga content sa social media nang hindi nalalagay sa balag ng alanganin ang seguridad at kaayusan ng publiko. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com