NAILIGTAS ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang 3-anyos bata habang naaresto ang kumidnap na yaya nito matapos humingi ng ransom nitong Lunes ng madaling araw.
Sa report ng QCPD Masambong Police Station 2, bandang 8:05 ng gabi nitong Linggo, 10 Agosto, nang tangayin ng yaya ang bata na halos dalawang taon na niyang inaalagaan sa Aragon St., Brgy. Paltok.
Sa imbestigasyon, dumaing ng pananakit ng tiyan ang suspek at nagpaalam sa mga amo na kukuha lamang ng gamot sa kalapit-bahay at isinama nito ang bata ngunit hindi na bumalik ang yaya.
Makalipas ang ilang oras, nakatanggap ng text message ang magulang ng biktima na nanghihihingi ng ₱150,000 ang suspek kapalit ng kanilang anak.
Bandang 12:05 ng madaling araw nitong Lunes, 11 Agosto, agad nagsagawa ng entrapment ang mga pulis at nailigtas ang bata sa yaya sa FPJ Ave., Quezon City.
Nakatakdang samapahan ng kaso ang yaya sa Quezon City Prosecutors Office. Inihahanda na ang kaso laban sa suspek. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com