DALAWANG kidnap victims ang nailigtas habang apat na Chinese nationals ang dinakip ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa isinagawang police operation nitong Sabado sa Parañaque City.
Sa isinagawang press briefing, sinabi ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III, ang apat na Chinese suspects ay pawang mga sangkot sa kaso ng kidnapping sa isang kilalang resort casino sa Parañaque City.
Nangyari ang kidnapping matapos magpatulong ang isang 30-anyos Chinese national sa mga suspek para makapagpalit ng foreign currency exchange at magpadala ng P150,000 sa China. Unang nagbigay ang biktima ng P100,000.
Dito hinikayat ng mga suspek ang biktima na magtungo sa resort casino para sa kanilang transaksiyon hanggang mauwi ito sa pagdukot sa biktima.
Pinilit ng mga suspek ang biktima na i-transfer pa ang US$50,000 mula sa kanyang cryptocurrency wallet.
Nakagawa ng paraan ang biktima nang makiusap ito na matawagan ang kanyang pamilya. Ngunit isang kaibigan ang kinontak ng biktima na tumawag naman sa 911 hanggang sa ikinasa ang operasyon.
Bukod sa biktima, isa pang babaeng Chinese ang nasagip sa operasyon. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com