PATAY sa sakal ng isang 13-anyos batang lalaki ang Grade 3 student na natagpuang walang saplot sa katawan sa madamong Lugar sa isang bakantemg lote sa Quezon City nitong Linggo ng hapon.
Batay sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), 5:30 ng hapon nitong Linggo, 3 Agosto, nang matagpuan ang bangkay ng 8-anyos batang babae na walang saplot sa bakanteng lote sa Balbuena Compound, Brgy. Sta Lucia sa lungsod.
Nakita sa tabi ng bangkay ang kaniyang underwear at short pants at isang patalim.
Ayon sa pulisya, nasa kustodiya na nila ang 13-anyos lalaki na si alyas JD, umamin na napatay niya sa sakal ang biktima na si alyas Kaila pero hindi nito sinabi kung ginahasa niya ito.
Sa imbestigasyon ni P/SSg. Angel T. Pascasio III, nitong Sabado, dakong 2:00 ng hapon huling nakita ng kaniyang mga magulang na naglalaro pa ang anak ‘di kalayuan sa kanilang tahanan.
Dakong 8:00 ng gabi, napansin ng mga magulang na hindi pa umuuwi ang biktima kaya hinanap nila ang anak.
Matapos ang ilang oras na paghahanap at nang ‘di makita ang biktima ay agad na nila itong inireport sa kanilang barangay officials at sa mga pulis.
Nagtulong-tulong sa paghahanap ang mga tanod at mga pulis hanggang matagpuan ang bangkay ng biktima sa bakanteng lote sa nasabing lugar.
Sa CCTV, nakitang huling kasama ng biktima si JD na agad namang umamin na siya ang may kagagawan ng krimen ngunit hinala ng mga awtoridad na may kasama pa siyang iba.
Patuloy ang imbestigasyon at inaalam kung pinagsamantalahan ang biktima. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com